
Apat na taon nang matalo sa pagtakbo bilang pangalawang pangulo noong 2016, nagbabalak muling tumakbo si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa isang national position sa darating na 2022 elections, ayon sa tagapagsalita nito noong Setyembre 30.
“Definitely, Sen. Bongbong Marcos will be seeking a national position come 2022 (Tiyak na maghahangad ng national position si Sen. Bongbong Marcos sa 2022),” ani Vic Rodriguez, spokesperson ni Marcos.
Si Marcos – na kapatid ni Sen. Imee Marcos, at anak ni Ferdinand Marcos at Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos – ay tinalo ni Leni Robredo sa posisyon ng pangalawang pangulo noong 2016.
Ang pagkapanalo ni Robredo ay umani ng mga paratang mula sa kampo ni Marcos dahil nandaya umano ito, bagay na nag-udyok sa dating senador na maghain ng petitsyon para sa failure of elections, partikular na sa mga lalawigan ng Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao.
Ayon kay Marcos, may failure of elections sa mga nasabing lalawigan dahil sa terorismo, harassment ng mga botante, at pre-shading ng mga balota.
Subalit, kinumpirma ng isang inilabas na resolusyon ng Korte Suprema, na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal, na tumaas ang lamang ni Robredo kay Marcos ng 15,000 na mga boto matapos itong magsagawa ng recounting sa mga nabanggit na lalawigan.
Tinanggihan naman ng kampo ni Robredo ang lahat ng mga paratang ni Marcos at inilarawan ang mga ito bilang “desperate attempt” para isalba ang isang “namamatay” na election protest.
Noong Setyembre 30, inatasan naman ng Korte Suprema ang Commission on Elections at Office of the Solicitor General na magkomento tungkol sa pending issues ng isinampang election protest ni Marcos laban kay Robredo.