Roque, kinuwestyon ang pagbura ng mga pro-gov’t FB pages

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Setyembre 29 na sinusupil ng Facebook ang karapatan para sa malayang pamamahayag o free speech nang magpasya itong burahin ang ilang pro-government Facebook pages dahil aniya sa inauthentic o mala-bot na pagkilos nito sa social media.

Aniya, “Ang konkretong aksyon po ay ‘wag pong supilin ang kalayaan ng malayang pananalita ng mga personalidad o mga pages na pabor po sa gobyerno.”

“The effect is censorship kasi ang laman ng page na ‘yun, nabura,” dagdag pa nito.

Inilarawan naman nito si Duterte bilang advocate ng freedom of expression.

Sinabi rin ng tagapagsalita ng pangulo na hindi pa pinag-iisipan ng pamahalaan ang hakbang na pagbabawal ng Facebook sa bansa.

Noong nakaraang linggo, inanunsyo ng Facebook na binura nito ang 57 accounts, 31 pages, at 20 Instagram profiles – na karamihan ay mga pro-Duterte accounts – dahil aniya sa “coordinated inauthentic behavior” ng mga ito kung saan iniuugnay ito sa pagpapalaganap ng fake news online.

Iginiit ni Roque na bagama’t hindi hawak ng pamahalaan ang mga nasabing pages, ikinagalit ng pangulo nang partikular ang pagbura sa page ng “Hands Off Our Children”, na layong protektahan ang mga batang nire-recruit ng mga komunista.

“Ang punto dito: bakit kapag pabor sa gobyerno, tinatanggal? Kapag pabor sa oposisyon, hindi tinatanggal? Bakit ang fact-checkers, laban sa gobyerno?,” wika ng tagapagsalita ng pangulo.

Binanggit naman ni Roque ang ideya na baka mag-hire ang gobyerno ng sarili nitong fact-checkers, sabay sabing hindi lamang Pilipinas ang nagrereklamo tungkol sa mga palisiya ng Facebook. Kinuwestyon naman nito ang basehan ng Facebook para sa pag-delete ng mga nasabing pages, habang sinabi na ang mga paratang na ang mga nasa likod ng mga ito ay mga trolls ay “hindi ang isyu”.

“Ang sinasabi lang ng Presidente, dapat maging patas sila. Bakit ang freedom of speech binibigay lang nila sa mga kontra-gobyerno?” diin ni Roque.

LATEST

LATEST