Robredo: Preparasyon para sa Covid-19 vaccination program, dapat nang umpisahan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangalawang Pangulo Leni Robredo

Sinabi ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo na dapat maghanda na ang pamahalaan para sa maagang Covid-19 vaccination program na maaaring makatugon sa malaking bilang ng mga Pilipino.

Sa isang taped speech noong Setyembre 28, nagbigay ng ilang suhestyon si Robredo sa mga kinakailangang gawin bago dumating ang bakuna kontra Covid-19.

Aniya, “Ngayon pa lang, kailangan nang paghandaan kung paano isasagawa ang malawakang deployment kapag na-develop na ito.” 

“Hindi birong tungkulin ang agarang pagbabakuna sa milyun-milyong Pilipino. Kailangan ng plano, imprastruktura, at mekanismo, na hangga’t maaari ay maibaba sa antas ng mga Barangay Health Unit,” dagdag pa ng pangalawang pangulo.

Ayon kay Robredo, bagama’t may pondo, ang P2.5 bilyon na binanggit na badyet para sa 2021 ay makapagbibili lamang ng bakuna para sa 3.5 milyong katao, base sa datos ng Department of Health.

Dahil dito, dapat umanong magpokus sa preparasyon ng pondo at karampatang logistics para sa agarang distribusyon ng bakuna.

Sa parehong talumpati, nagbigay din ng iba pang mungkahi ang pangalawang pangulo kung paano mapagbubuti ng gobyerno ang pagtugon sa pandemiya, kabilang ang pagtatakda ng mga malilinaw na layunin; karagdagang suporta para sa local government units; mas komprehensibong tulong para sa maliliit na negosyo; at pagtulong na bigyan ng hanapbuhay ang mga nawalan ng trabaho.

Noong nakaraang linggo, sinabi naman ni Science and Technology Secretary Fortunato dela Peña na mas maraming international companies ang nakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng pamahalaan upang makapagsagawa ang mga ito ng clinical trials sa bansa para sa kani-kanilang na-develop na mga bakuna kontra Covid-19.

LATEST

LATEST

TRENDING