PRRD, ipinahinto ang pambabato ng insulto kay Velasco mula sa kampo ni Cayetano sa pagpupulong: kongresista

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Ipinatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pambabato ng insulo mula sa kampo ni House Speaker Alan Peter Cayetano laban kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco bago magpasya ang magkabilang panig para sa pagpapalit ng House Speakership sa susunod na buwan, ayon sa isang mambabatas noong Setyembre 30.

Ayon kay Oriental Mindoro 1st District Rep. Salvador “Doy” Leachon, binigyang diin umano ng pangulo ang kahalagahan ng pagpapatupad sa napagkasunduang Speakership term-sharing deal.

Sa ilalim ng “gentleman’s agreement” na binuo ni Duterte noong 2019, magsisilbi bilang Speaker si Cayetano sa unang 15 buwan o hanggang Oktubre 2020, pagkatapos ay papalitan naman ito ni Velasco para sa nalalabing 21 buwan.

“Hinihintay niyang (Duterte) magsalita ang both parties. He didn’t want to impose, even though he was very clear in his heart, in his mind what he wanted to convey,” ani Leachon.

Dagdag pa nito, “Hindi niya sinabing, ‘O sumunod kayo sa akin.’ He just let these 2 agree on some terms.” 

Nagtalumpati sa harap ng pangulo sina Cayetano, Velasco, Deputy Speaker Luis Villafuerte, Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta at Bulacan First District Representative Jose Antonio Sy-Alvarado, dagdag pa ni Leachon.

Ayon sa kampo ni Cayetano, nais nilang ipatupad ang kasunduan subalit “trinaydor” umano sila ni Velasco dahil sa pagtatangkang magkudeta at pag-aalok sa puwesto ng senior Deputy Speaker sa mga tagasuporta nito.

“Sabi niya (Duterte), ‘Okay, tama na ‘yan.’ Pero napakabait, dahil binigyan naman lahat ng pagkakataon magsalita,” giit ni Leachon. 

Ayon kay Leachon, nagkasundo rin kinalaunan ang magkabilang kampo na hahalili si Velasco kay Cayetano sa darating na Oktubre 14.

“Sana umabot ako na Speaker pa rin ako nang birthday ko, sabi ni Speaker Cayetano, which will be on Oct. 28. Sabi naman ni Cong. Velasco, e birthday ko rin sa Nov. 9. So parang ganoon lang,” dagdag pa ni Leachon.

Nagkasundo rin umano ang dalawang kampo na mananatili sa kani-kanilang mga puwesto ang iba pang lider ng Kamara.

LATEST

LATEST