Duterte, sisimulan ang reorganization sa PhilHealth

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Nagtakda ng target si Pangulong Rodrigo Duterte sa plano nitong pag-overhaul sa PhilHealth, na kasalukuyang nahaharap sa mga isyu ng kurapsyon.

Ayon sa pangulo, susubukan niyang i-reorganize ang ahensya sa pamamagitan ng pagturing sa mga empleyado nito bilang resigned.

“I will try to begin tomorrow shaking the tree sa PhilHealth. Balak ko mag-reorganize and impose upon them a single line of authority,” ani Duterte noong Setyembre 28.

Dagdag pa nito, “Hindi na puwede na itong mga tao na ito, they are already entrenched (sic) na. Wala, walang mangyari. Talagang either I’m going to revamp, consider everybody resigned there.”

Sinabi ni Duterte na unang hakbang pa lamang ito sa planong pagsasaayos sa ahensya. Iginiit nitong isasakatuparan pa rin niya ang naunang mungkahi na buwagin ang PhilHealth.

Hindi naman umano opsyon ang privatization ng ahensya dahil sa kawalan ng pondo, habang idinidiin na ang susunod na hakbang ay dapat maging “surgical move” dahil wala nang ibang paraan upang ayusin ito.

“I am going to propose to Congress to abolish… Kung i-privatize mo naman, susmaryosep, walang pera. Huwag mo sabihin ng mga kapitalista sa insurance: Kami ang magbayad? Wala kayong pondo,” diin ni Duterte.

Sumailalim kamakailan ang ahensya sa mabusising imbestigasyon dahil sa umano’y talamak na kurapsyon sa loob nito kung saan inirekomenda ng mga senador ang pagsasampa ng mga kaso sa ilan nitong mga opisyal, kabilang na si Health Secretary Francisco Duque III at dating PhilHealth president Ricardo Morales dahil sa maanomalya nitong implementasyon ng cash advances o interim reimbursement mechanism.

Inaprubahan din ng pangulo ang naging rekomendasyon ng binuo nitong investigating task force, sa pangunguna ng Department of Justice, na sampahan ng mga kaso si Morales at iba pang mga opisyal.

Subalit, hindi nito sinama si Duque sa inisyal na listahan ng inirekomendang kasuhan.

LATEST

LATEST

TRENDING