Robredo: ‘Walang dahilan para i-postpone’ ang 2022 elections

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangalawang Pangulo Leni Robredo

Ipinahayag ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo noong Setyembre 27 na walang dahilan para i-postpone ang 2022 elections habang nasa gitna ng pandemiya, taliwas sa naging rekomendasyon ng isang kongresista.

Aniya,”Kung kayang buksan ang Manila Bay…bubuksan yung ibang tourism sites, walang dahilan para i-postpone.” 

Ibinahagi ni Robredo ang halimbawa ng mga bansang Estados Unidos, New Zealand, South Korea at Netherlands kung saan itutuloy pa rin ng mga ito ang kani-kanilang mga national elections ngayong taon bagama’t nananatili pa rin ang banta ng Covid-19.

“Nagsalita na yung Comelec (Commission on Elections dito na hindi ipo-postpone. Yung pinaghahandan nilang scenario may COVID pa din,” ani Robredo.

Sinabi na ni Comelec chairman Sheriff Abas sa ginanap na budget hearing ng komisyon sa Kamara noong Setyembre 24, na sisikapin nilang ituloy ang pagdaraos ng ligtas na halalan anuman ang maging kahihinatnan ng pandemiya.

Unang tinanong ni Pampanga Rep. Mikey Arroyo sa Comelec kung kinonsidera ba nitong ipagpaliban muna ang pagdaraos ng halalan, dahil sa takot aniya ng mga botante na mahawa sa Covid-19.

Binigyang diin ni Abas na hindi nila ito pinag-isipan sapagkat ang pagdaraos ng halalan ay nakamandato sa Saligang Batas.

Nakahanda umano ang Comelec na magpatupad ng mga alternatibong hakbang tulad ng two-day voting period at online filing ng candidacy upang maiwasan ang hawaan ng Covid-19.

LATEST

LATEST

TRENDING