Robredo: Alvarez, ‘mahihirapang’ lumipat sa Liberal Party

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Hindi namimili ng miyembro ang Liberal Party, subalit ang mga nagnanais na lumahok sa oposisyon ay dapat aniyang magkaroon ng kaparehong adbokasiya, giit ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo.

Ayon kay Robredo, magiging “mahirap” para kay dating House Speaker Pantaleon Alvarez na maging bahagi ng oposisyon bagama’t kritikal ito sa kasalukuyang administrasyon.

“Hindi naman kami nagko-close doors on anyone, pero I think before we invite, before we invite people over, parating iyong tanong: Do we share the same values? Do we share the same principles? Kasi tingin ko iyon iyong batayan ng malakas na samahan,” paliwanag ng pangalawang pangulo.

Muling naibalita si Alvarez, na siyang unang House Speaker sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte, dahil sa paglalarawan nito sa Covid-19 repsonse bilang “palpak”.

Sinabi rin nitong dapat “may utak” para lutasin ang mga pangmatagalang epekto ng pandemiya at hindi lamang “nagse-selfie para may mai-post sa Facebook upang maging popular” ang susunod na papalit kay Duterte.

Pinatalsik sa puwesto si Alvarez noong 2018, sa pangunguna ng anak ng pangulo na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Iginiit naman ni Robredo na ayaw niyang mangyari ang paglilipat ng mga miyembro noong 2016 elections patungo sa naghaharing PDP-Laban nang mahalal sa puwesto ang pangulo.

Aniya, “Mahirap in the sense na iyong nangyari kasi sa party namin, talagang na-decimate kami, na-decimate kami after 2016.”

“Halimbawa, maliit naman talaga kaming party before, pero noong naging pangulo si President [Noynoy] Aquino, sobrang dami. Pero noong hindi na siya presidente, noong iba na iyong presidente, nawala ulit iyong marami,” dagdag pa ni Robredo.

LATEST

LATEST