Panawagan para suspendehin ang 2022 elections, hindi mapapalawig ang termino ng mga opisyal: Drilon

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Senador Franklin Drilon

Tinanggihan ni Senador Franklin Drilon ang ideya ni Pampanga Rep. Mikey Arroyo na i-postpone ang May 2022 elections, dahil hindi aniya ito puwedeng gamitin ng mga pulitiko bilang dahilan para manatili sa puwesto.

Aniya, “The postponement could be a prelude to the main objective of extending the terms of members of Congress and elected officials. But that is not feasible (Posibleng maging paunang hakbang ang postponement para sa pagpapalawig sa termino ng mga kongresista at iba pang halal na opisyal. Subalit, hindi ito posible).”

Nakasaad sa Saligang batas ang pagdaraos ng national election sa bawat tatlong taon, sa ikalawang Lunes ng Mayo. Ang susunod na halalan ay dapat isakatuparan sa Mayo 9, 2022.

Even if we postpone the election, the terms of the elected officials are set in the Constitution. Unless you amend the Constitution, you cannot extend the terms of the officials (Kahit ipagpaliban natin ang eleksyon, nakasaad sa Konstitusyon ang termino ng mga halal na opisyal),” ani Drilon, sabay pagdiin na tanging termino lamang ng barangay officials ang maaaring amyendahan sa pamamagitan ng pagpasa ng batas. Ang termino ng iba pang mga halal na opisyal ay nakatakda sa 1987 Constitution.

Sinabi naman ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Sheriff Abas sa Mababang Kapulungan na tanging Kongreso at si Pangulong Rodrigo Duterte lamang ang makakapagpasya tungkol sa nasabing panukala.

Ayon naman kay Drilon, ang awtoridad ng COMELEC ay limitado lamang sa pagsuspinde ng local elections sa isang lokalidad na may “seryosong kaso” na magsisilbing balakid para sa pagdaraos ng malaya, tapat, at maayos na halalan.

Binigyang diin din ng senador na hindi puwedeng idahilan ang pandemiya sa pagpapaliban sa eleksyon dahil hindi aniya ito saklaw ng Election Code.

Ilan sa mga maaaring dahilan ng postponement ng halalan ay karahasan, terorismo, at pagkawasak ng election paraphernalia.

I cannot see any justification for the postponement of the national election. We will oppose that vigorously in the Senate. I think the Senators will not be swayed by any argument to allow the postponement of the election (Wala akong makitang batayan para sa pagpapaliban ng halalan. Mariin naming tatanggihan ito sa Senado. Sa tingin ko hindi makukumbinsi ang mga senador tungkol dito),” wika ni Drilon.

LATEST

LATEST

TRENDING