Komite ng Kamara, inaprubahan na ang panukalang P4.5-T 2021 badyet

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Inaprubahan na ng House Committee on Appropriations ang House Bill 7727 o ang P4.506 trilyong proposed 2021 national budget.

Sinabi ni Appropriations Committee Chair Eric Go Yap na nagpulong ang komite noong Setyembre 25 upang isapinal ang committee report at ang bill. Kapareho umano ang nasabing bill sa National Expenditure Program na isinumite ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Inaprubahan ito bagama’t hindi nakapagpresenta ang Presidential Communications Operations Office ng kanilang badyet sa komite.

Ayon kay Yap, magkakaroon ng tsansa ang Makabayan bloc, na humarang sa PCOO budget, na makapag-interpellate sa period of interpolation ng HB 7727.

Isusumite naman aniya ang committee report sa umaga ng Lunes, Setyembre 28, habang nakatakda ang plenary sponsorship sa 1 P.M.

Unang pinuna ng Makabayan bloc ang pagtaas ng 2021 badyet para sa pulis at militar.

Ayon kay Gabriela Rep. Arlene Brosas, “Tawag nga natin dito sa budget na ito ay fascist financing of military for health kung bakit kasi ang nag-increase po pawang mga military ng mga ahensiya at military and police agencies ang nakakarami dito.”

“For example ang total defense budget ay mag-iincrease ng 16.6B from P189.27 billion to P205.7 billion yung spending para sa public order and safety will be raised by P6.7 billion from P296.2 billion to P303 billion,” dagdag pa ni Brosas.

Samantala, sinabi naman ni Kabataan Rep. Sarah Elago na, “Palobo rin ng palobo ang mga pondo para sa mga lihim na operasyon. P12 bilyon na ang intelligence at confidential funds mula 2016 hanggang 2020, at aabot na ng kabuuang higit P16 bilyon sa 2021 sa opisina pa lang ng Presidente. Inaabuso ang mga CIE para makatakas sa mga procurement laws. Inaabuso ito dahil napakahirap ma-audit at nakatago mula sa pagbabantay ng taumbayan. “

Parehong binanatan nina Elago at Bayan Muna Party-list Rep. Zarate ang panukalang bagong depenisyon ng savings na makapagbibigay sa pangulo ng kapangyarihan na mag-realign ng badyet.

“Wag sanang hayaan ng Kongreso yung self-castration na i-castrate niya sarili niya lalo na ‘pag i-allow yung nabanggit kanina na bagong pakahulugan ng savings na wala nang debate mangyayari ang buong 2021 ay puwede i-realign…dahil nagdeklara na siya na i-extend’ yung state of calamity yung new provisions about savings ay doon nga this is an act of self-castration na ‘di dapat payagan ng Kongreso,” giit ni Zarate.

Tinuligsa rin ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat ang prayoridad ng pamahalaan ukol sa badyet.

Aniya, “Patuloy pa rin natin kinukwestyon ang paglalaan ng pondo sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Lalo na itong budget ng NTF-ELCAC na napakalaki at delikado kung saan nila ito gagamitin. Masasayang lamang ito kung puro militaristang pamamaraan ang paggamit sa napakalaking pondo na inilalaan sa ganitong mga di-makataong programa. Halos 300 libo na ang apektado ng COVID, hindi ito bilang na bumababa sa loob ng 6 na buwan. Dapat i-rechannel ang mga pondo, lalo na ang P19 bilyon NTF-ELCAC budget sa pagtugon sa pandemya.”

Humihiling ang administrasyong Duterte ng P4.506 trilyong national budget para sa 2021 upang makapagpokus sa pagpigil sa paglaganap ng Covid-19 pandemic habang plano ring buksan ang ekonomiya.

Ang 2021 badyet ay mas mataas ng 9.9 percent kumpara sa P4.1 trilyong 2020 badyet.

Pinakamalaking bahagi ng badyet ay mapupunta sa edukasyon kung saan P754.4 bilyong ang ilalaan para sa Department of Education, State Universities and Colleges, Commission on Higher Education at Technical Educational Skills Development Authority (TESDA).

Ang Department of Public Works and Highways ay makakakuha ng P667.3 bilyong, habang P246.1 bilyon naman ang mapupunta sa Department of Interior and Local Government.

Ang Department of National Defense ay makakakuha ng P209.1 bilyon, habang ang Department of Health ay makakakuha ng P203.1 bilyon o P25.4 bilyong increase mula sa 2020 badyet nito.

Sinundan naman ito ng Department of Social Welfare and Development sa P171.2 bilyon, mas mababa kumpara sa P366.5 bilyong badyet nito sa 2020.

Ang Department of Transportation ay makakakuha ng P143.6 bilyon, habang ang Department of Agriculture ay makakakuha ng P66.4 bilyon, mas mababa sa P70.8 bilyong badyet noong nakaraan.

Ang National Health Insurance Program ay makakakuha ng P71.4 bilyon, Medical Assistance to Indigent Patients sa P17.3 bilyon at Human Resources for Health Program sa P16.6 bilyon .

LATEST

LATEST

TRENDING