DSWD magbibigay ng emergency aid para sa mga pamilyang apektado ng pandemiya

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
DSWD Secretary Rolando Bautista

Ipinahayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Setyembre 26 na mamamahagi ito ng emergency subsidies para sa mga pamilyang apektado ng granular Covid-19 lockdowns, habang tinapos na nito ang pamamahagi ng ayudang pinansyal sa ilalim ng social amelioration program (SAP).

Sinabi ni DSWD Secretary Rolando Bautista na ito ay kabahagi ng kanilang “response and recovery intervention” para sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2).

Isinasapinal na aniya ang mga panuntunan para sa mga nabanggit na recovery programs.

“Isasapinal ang panuntunan upang magsimula, hinihimay-himay namin para makaalign sa maging function ng aming ahensiya,” ani Bautista.

Ilan sa iba pang mga proyektong pagtutuunan ng pansin ng DSWD ay ang assistance para sa mga indibidwal na nasa sitwasyong krisis, livelihood grants, social pensions para sa indigent senior citizens, feeding programs, at iba pang suporta sa pamamagitan ng non-food items.

Simula nang ipatupad ng pamahalaan ang lockdown noong Marso, namahagi ang gobyerno ng dalawang tranches ng SAP funds, mula P6,500 hanggang P8,000, para sa mga mahihirap na pamilyang apektado ng pandemiya. Pinangasiwaan ito ng mga local government units (LGUs).

Noong nakaraang linggo, kinuwestyon ng mga senador ang DSWD hinggil sa P10 bilyong pondo nito mula sa SAP na hindi pa nagagamit.

Habang ipinepresenta nito ang proposal para sa 2021 badyet, sinabi ng DSWD na nakapag-disburse ito ng P83.1 bilyon mula sa P94.5 bilyong SAP funds. Sa ginanap na pagdinig, iginiit ng ahensya na 14 milyong pamilya ang nakatanggap mula sa ikalawang bugso ng SAP, mas maliit nang 4 milyon mula sa bilang ng mga pamilyang nakatanggap sa unang bugso.

Ipinaliwanag kinalaunan ng DSWD na nagsagawa ng “revalidation” process ang mga LGU dahil sa pagdodoble-doble ng mga benepisyaryo, kung saan tinanggal ang mga duplicate mula sa listahan.

Plano aniyang i-realign ang sobrang SAP funds para sa livelihood programs, habang hinihintay ang pahintulot ng Office of the President.

LATEST

LATEST

TRENDING