Angara, iminungkahi ang maagang botohan para sa senior citizens at PWDs

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Noel Celis (AFP/Getty Images)

Iminungkahi ni Sen. Sonny Angara ang maagang pagboto sa 2022 national elections para sa tinatayang nasa 10 milyong senior citizens at persons with disabilities (PWDs) upang isulong ang mas mataas na voter turnout, sakaling umabot pa sa nasabing taon ang Covid-19 pandemic.

Nakatakdang maghain ng bill si Angara tungkol dito habang iginigiit ang nararanasang hirap ng mga senior citizens at PWDs tuwing botohan.

Ipinapanukala rin ng senador ang pag-extend ng voting hours para sa publiko upang mas marami ang makaboto.

“Mas makakabuti para sa ating mga seniors at PWDs na may hiwalay na araw ng pag boto para sa kanila. Napakahirap para sa kanila na pumila pa habang mainit at makipagsiksikan sa mga tao lalo na at may pandemiya pa. Alam naman natin kung gaano kadelikado para sa mga may edad na ang Covid-19 na hanggang ngayon ay wala pang bakuna,” paliwanag ni Angara noong Setyembre 26.

Ayon kay Angara, ang maagang botohan para sa dalawang nabanggit na sektor ay magpapabilis din sa pila ng mga presinto sa araw ng eleksyon para sa publiko.

Hinikayat din ng mambabatas ang Commission on Elections (COMELEC) na suriin ang accessibility issues na maaaring kaharapin ng mga seniors at PWDs sa mga presinto.

Aniya, “COMELEC should study using venues such as gymnasiums and covered courts for use of our seniors and PWDs on election day. They should also work on providing people to assist them on site. ‘Wag na natin sila pahirapan pa.”

Para naman sa mas mahabang voting hours, sinabi ng senador na malilimitahan ng physical distancing ang mga taong maaaring makapasok sa mga presinto, kung saan babagal ang proseso ng botohan.

Hihiling umano si Angara, na siyang chairperson ng Senate Committee on Finance, sa COMELEC tungkol sa estado ng paghahanda nito sa eleksyon sa pagharap ng ahensya sa Senado para dinggin ang 2021 bugdet proposal nito.

LATEST

LATEST