Robredo, sang-ayon sa limitadong F2F classes sa mga lugar na walang Covid transmission

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangalawang Pangulo Leni Robredo

Nanawagan si Pangalawang Pangulo Leni Robredo noong Setyembre 25 para sa pagdaraos ng limitadong face-to-face classes sa mga lugar na walang community transmission ng Covid-19 upang matiyak na hindi mawawalan ng edukasyon ang kabataan.

Ibinahagi ni Robredo ang pangamba ng ilang pamilya na walang kapasidad na lumahok sa blended learning system na ipatutupad ng mga pampublikong eskwelahan sa darating na academic year.

Nakatakdang magbukas ang klase sa Oktubre 5 gamit ang radyo, telebisyon, online at modular learning habang nasa gitna pa ng Covid-19 pandemic ang bansa.

“Maraming mga lugar na coastal, maraming mga lugar na bukid na wala naman doong community transmission. Kung ipipilit mo iyong modular, baka nasasakripisyo natin iyong uri ng edukasyon na nakukuha ng mga learners,” ani Robredo.

Maglalabas din aniya ang tanggapan ng pangalawang pangulo ng listahan ng mga lugar na walang community transmission kung saan maaaring isagawa ang small-scale classes. Dapat umanong ibatay ng Department of Education (DepEd) ang pagpapasya nito ayon sa datos at risk assessment.

“Huwag i-limit sa blended learning lahat, kasi iyong sinasabi ko nga, in communities where there is zero community transmission, baka naman pwedeng magkaroon na ng face-to-face,” dagdag pa ni Robredo.

Matutugunan din ang ilang balakid sa logistics kung makapagsasagawa ng pisikal na klase ang mga lugar na wala ng Covid-19, giit ng pangalawang pangulo.

Tinandaan din nito ang unang pahayag ng DepEd na posibleng gumamit ang mga estudyante ng iisang self-learning modules, na ipapamahagai sa bawat isa, dahil sa kawalan ng badyet.

“Para kasi sabihin na lahat blended, na hindi naman kailangan lahat, baka nagsasayang tayo ng sobrang dami na resources. Hindi natin siya naba-budget nang maayos,” wika ni Robredo.

Ipinagbawal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdaraos ng face-to-face classes sa buong bansa habang wala pang bakuna kontra Covid-19.

Nanawagan naman si Robredo sa pamahalaan na ihinto ang planong paghihintay na lamang sa pagdating ng bakuna, at nagbigay ng ilang mga rekomendasyon sa pagtugon sa pandemiya habang wala pa ang nasabing bakuna.

LATEST

LATEST

TRENDING