Robredo: Pagpigil sa pandemiya, hindi white sand, ang makabubuti para sa mental health ng mga Pinoy

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Jekki Pascual (ABS-CBN News)

Ang epektibong pagpigil sa paglaganap ng Covid-19 ay ang pinakamagandang magagawa ng pamahalaan para sa mga Pilipino, hindi ang paglalagay ng white sand sa Manila Bay, giit ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo noong Setyembre 25.

Ayon kay Robredo, mas maraming Pilipino ang mawawalan ng hanapbuhay kung magpapatuloy ang pandemiya, kung saan ikasasama ito ng mental health o kalusugang pangkaisipan ng taumbayan dahil sa pag-aalala kung paano matutugunan ang pangangailangan ng pamilya.

“Pinakamalaking tulong sa mental health na ma-suppress agad natin iyong virus kasi ito ang nakakadagdag sa nakakabagabag sa ating lahat—iyong pag-alala kung ano ang ating kinabukasan, lalo na para sa mga taong nawalan ng trabaho, lalo na sa mga taong hindi alam kung saan kukuhanin ang ipapakain sa pamilya,” paliwanag ng pangalawang pangulo.

Dagdag pa nito, “Siguro kung talagang mental health ang target natin, ginamit sana natin sa bagay na may direct connection sa mag-a-appease ng worries na nararamdam natin ngayon.”

Daan-daang katao ang nagtungo sa Manila Bay upang masilayan ang artificial white sand, kung saan hindi na nasunod ang physical distancing noong nagdaang weekend.

Ipinagtanggol naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang white sand project at sinabing walang masama sa paggawa ng isang artificial beach sa lugar.

“People now really enjoy the reclaimed area with the white sand, maski na papaano,” wika ni Duterte sa kanyang lingguhang talumpati sa taumbayan.

Dagdag pa nito, “Wala naman talaga tayong magawa. You do it, may masabi sila. You do not do it, may masabi si Leni. What do you want us to do?”

Sinabi naman ni Robredo na puwede sanang ni-realign ang pondo ng gobyerno para tustusan ang pandemic response. 

“Sana sa lahat ng programa: Iyong puwede namang ipagpaliban, ipagpaliban muna. Gamitin na muna sa mas urgent na paraan,” diin ng pangalawang pangulo.

Dagdag pa nito, “Sabi kayo nang sabi na wala tayong pera, maraming nagugutom ngayon, maraming nangangailangan ng tulong, iyong transmission hindi natin makontrol ta’s makikita iyong ganito. Parang number one, insensitive sa kahirapan. Number two, ipinapakitang parang walang sense of urgency sa pag-asikaso ng epidemic.”

LATEST

LATEST