Senado, nais bigyang awtoridad si PRRD na pabilisin ang pagproseso ng permits at licenses

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

May bagong panukalang batas na inihain sa Senado na layong bigyan ng awtoridad si Pangulong Rodrigo Duterte na pabilisin ang pagproseso ng mga permits at licenses, upang mabawasan ang red tape at mapabilis ang mga transaksyon sa bansa

Inihain nina Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Minority Leader Franklin Drilon, Sen. Ralph Recto at Sen. Panfilo Lacson ang Senate Bill 1844 o an Act authorizing the President to expedite the processing and issuance of national and local permits, licenses and certifications.

Inihain ang nasabing bill noong Setyembre 22, subalit nai-post lamang ito sa website ng Senado noong Setyembre 24.

Sa ilalim ng SB 1844, bibigyan ng kapangyarihan ang pangulo na pabilisin ang lahat ng mga regulatory processes at procedures, pati na rin ang mga pending applications ng permits, licenses, clearances, certifications, o authorizations.

Kabilang din dito ang pagpapaikli o pagsasaayos sa haba ng mga proseso sa ilalim ng mga umiiral na batas at panuntunan.

Maaari ring tanggalin ng pangulo ang ilang mga requirements sa pagproseso ng mga permits at licenses. Puwede rin nitong suspendihin o tanggalin sa puwesto, alinsundo sa rekomendasyon ng nararapat na ahensya, ang sinumang opisyal ng pamahalaan na sasalungat sa kanyang mga hakbang.

Saklaw ng SB 1844 ang lahat ng mga ahensya ng pamahalaan, government owned and controlled corporations (GOCCs), kabilang ang kanilang departments, bureaus, at offices.

Nakipagpulong si Duterte noong nakaraang linggo sa mga lider ng Kongreso upang humiling ng pag-amyenda sa Ease of Doing Business Act upang mas lalo pang mabasawan ang red tape sa nalalabing panahon ng kanyang termino.

Inanunsyo naman ni Sotto na nagkasundo ang mga senador na magpasa ng panibagong batas habang nasa state of health emergency pa ang bansa.

We appreciate the initiative of Senate President Sotto, and this was the main agenda when the President invited the leaders of both Houses of Congress (Kinikilala namin ang inisyatibo ni Senate President Sotto, at ito ang pangunahing usapin nang imbitahan ng pangulo ang mga lider ng Kongreso),” ani Presidential Spokesperson Harry Roque noong Setyembre 21.

Dagdag pa nito, “Hirap na ang ekonomiya dahil sa pandemya, humahanap ng paraan ang Presidente para mapabilis ang ating pagbangon galing sa recession na ito at talaga pong problema pa rin ang red tape, at mukhang hindi sapat iyong Ease of Doing Business Act na naipasa noong isang taon.”

LATEST

LATEST

TRENDING