Mga kongresista, nais panatilihing House Speaker si Cayetano

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
House Speaker Alan Peter Cayetano

Ipinahayag ng mga kongresista mula sa  iba’t-ibang partido noong Setyembre 23 ang kanilang pagsuporta kay House Speaker Alan Peter Cayetano para sa pananatili nito bilang lider ng Kamara sa kabuuan ng 18th Congress bagama’t may term-sharing agreement ito kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Ayon kay Deputy Speaker Rodante Marcoleta, ang “gentleman’s agreement” sa pagitan ni Cayetano at Velasco na binuo noong 2019 ay hindi hinulaan ang “pananalasa ng Covid-19 pandemic na nananatili pa rin hanggang ngayon.”

Iginiit nitong ang pagbabago sa liderato ay mahirap dahil sa kasalukuyang krisis na nararanasan.

“May kasabihan po tayo na mahirap magpalit ng kapitan sa gitna ng umaalimpuyong bagyo. I know that in another time, the star of my friend (Velasco), will still shine the brightest. After all, he has the youth and vitality on his side (Alam kong sa ibang panahon, magniningning din ang aking kaibigan. Sa katunayan, kakampi niya ang kabataan),” ani Marcoleta.

Binanggit ni Marcoleta na naging mahalaga ang pagsuporta kay Cayetano sa pagpasa ng mga importanteng panukala na layong “tiyakin ang survival ng taumbayan” mula sa nararanasang pandemiya.

Samantala, sinabi naman ni Caloocan City Rep. Edgar Erice ng Liberal Party na dapat i-postpone muna ang nasabing term-sharing agreement habang nasa gitna ng pandemiya.

Kinilala ni Erice ang kakayanan ni Cayetano na mahalaga ngayong panahon ng pandemiya.

Congressman Velasco’s aspirations can wait. He is young, brilliant and only in his second term. In God’s time, he will shine, but not for now (Puwedeng maghintay ang pangarap ni Cong. Velasco. Bata pa siya at nasa ikalawang termino pa lamang. Sa tamang panahon, magniningning din siya, pero hindi muna sa ngayon),” giit ni Erice.

Sinabi naman ni National Unity Party (NUP) President at Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. na patuloy na susuportahan ng kanilang partido si Cayetano sa nalalabing buwan ng 18th Congress.

Aniya, “Ang aming samahan, ang National Unity Party, ang kauna-unahang partido ang nag-endorso at nagsabi na aming sinusuportahan ang kandidatura ni Alan Peter Cayetano bilang ating Speaker.”

“Kaya sa nalalabing 21 buwan… muli na naman naming susuportahan ang liderato ni Speaker Alan Peter Cayetano,” dagdag pa ni Barzaga.

Idiniin naman ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na dahil sa pamumuno ni Cayetano, naging mataas ang marka ng Kongreso.

“Tayo po sa majority ay sumuporta kay Speaker Alan Peter Cayetano. At nakita naman po natin ang pagpapatakbo sa liderato, hindi lang po para sa ating indibidwal na interes bilang kinatawan ng bawat distrito pero sa koletibong interes ng ating Kongreso,” ani Defensor.

Naglagda naman ng manifesto bilang pagsuporta kay Cayetano ang mga representante ng lahat ng pitong distrito ng Cavite (Reps. Barzaga, Abraham Tolentino, Jesus Remulla, Strike Revilla, Alex Advincula, Luis Ferrer IV, at Francis Abaya).

Ang kasalukuyang sigalot sa House speakership ay nag-ugat sa hindi pagkakaunawaan ng mga kongresista ukol sa alokasyon ng badyet sa kani-kanilang mga distrito sa ilalim ng ipinapanukalang P4.5-trilyong national budget para sa 2021.

LATEST

LATEST