Roque, hinamon si Robredo na magbigay ng lunas sa Covid-19 pandemic

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Hinamon ni Presidential Spokesperson Harry Roque si Pangalawang Pangulo Leni Robredo noong Setyembre 22 na magpresenta ng lunas sa Covid-19 pandemic, at sinabing posible pa umano itong maging pangulo kung may solusyon itong ibibigay.

Ito ay matapos unang sabihin ni Robredo na “hindi sapat” ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na maghintay na lamang para sa pagdating ng bakuna kontra Covid-19.

“Hinahamon ko po si VP Leni, kung mayroon siyang solusyon na walang vaccine at wala pa rin gamot, sabihin niya po dahil sigurado po baka ngayon din maging presidente siya kung makahanap siya ng solusyon habang walang bakuna at walang gamot,” ani Roque.

Dagdag pa nito, “Habang wala talagang bakuna, habang walang gamot, wala pa rin po talagang solusyon sa pandemyang ito.”

Ang mga naging komento ng tagapagsalita ng pangulo ay hindi naman nagustuhan ng kampo ni Robredo.

“Tuwing may malaking problema, ang sagot na lang nila sa ating lahat, ‘walang solusyon.’ Subukan kaya niyong basahin din minsan ang mga rekomendasyon ng mga doktor at ibang eksperto–ilang beses na ring ipinaabot ni VP Leni sa IATF yung marami dito–para hindi naman kayong nagmumukhang inutil lagi,” giit ng spokesperson ni Robredo na si Barry Gutierrez.

Naghain ng mga suhestyon ang pangalawang pangulo noong Setyembre 21 kung paano tutugunan ang pandemiya.

Posible umanong mapagtagumpayan ng bansa ang laban nito kontra Covid-19 sa pamamagitan ng “medical at non-medical” na mga pamamaraan, habang idinidiin na kinakailangan ding bigyang lunas ang “humanitarian emergencies” tulad ng kahirapan, gutom, at unemployment na dulot ng pandemiya.

Tinutuligsa ang administrasyong Duterte dahil sa pag-asa nito sa mga retired military generals upang pangunahan ang Covid-19 response.

LATEST

LATEST

TRENDING