PNP, tinanggihan ang ulat tungkol sa pagtaas ng extrajudicial killings sa bansa noong lockdown

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
PNP Chief for Administration PLtGen. Guillermo Eleazar

Hindi sinang-ayunan ng Philippine National Police (PNP) ang inilabas na ulat ng Human Rights Watch na tumaas sa 50 percent ang mga extrajudicial killings sa bansa habang nasa gitna ng Covid-19 lockdown.

Nilinaw ni PNP Chief for Administration PLtGen. Guillermo Eleazar noong Setyembre 20 na tumaas nang hindi lalagpas sa five percent ang drug-related killings.

Aniya,”Tumaas po pero 4.9 percent or wala pong five percent. Ginawa nilang 50 percent so pinabubulaanan po natin ‘yon.” 

Binigyang diin nitong binabantayan ng PNP ang mga pulis na masasangkot sa paglabag sa karapatang pantao.

Hinikayat din ni Eleazar ang publiko na agarang iulat sa kinauukulan ang mga abusadong pulis.

Makatutulong umano ang pagdokumento ng mga gawain ng pulis sa pagdetermina kung ano ang ipapataw na parusa sa mga ito.

“Ito’y pinag-usapan na natin ng ilang beses, pero kung meron ebidensya at meron pagkakamali ang pulis di po tinotolerate ‘yan ng ating pamunuan at an investigation must be done. Mananagot kung may abuso sa karapatang pantao ang ating mga pulis,” ani Eleazar.

Binanggit din ni Eleazar, na siya ring Joint Task Force COVID Shield Commander, na bumaba nang 47 percent ang crime rate simula nang ipatupad ang lockdown noong Marso. Ito ay dahil umano sa police visibility at mahigpit na implementasyon ng curfew.

Ang klarikipikasyon ng PNP ay inilabas matapos irekomenda ng European Union Parliament na bawiin ang mga benepisyo ng taripa sa Pilipinas bunsod ng mga seryosong paglabag sa mga karapatang pantao sa bansa.

LATEST