Pag-alala sa mga karanasan noong Batas Militar, tuloy sa gitna ng pandemiya

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
dating diktador na si Ferdinand Marcos
Larawan mula sa: Official Gazette of the Republic of the Philippines

Walang pandemiyang makapipigil sa paggunita sa mga naging epekto sa lipunan ng makasaysayang pagdedeklara ng Batas Militar ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos noong 1972.

Mula sa libreng documentary film screenings, kilos-protesta, at forum kasama ang Martial Law survivors at batikang filmmakers, ginamit ng mga organizers ang internet at video conferencing para paalalahanan ang mga Pilipino sa mga masalimuot na mga kaganapan noong panahon ng batas militar.

Isang forum na pinamagatang Reality Check: Martial Law, Never Again ang idinaos sa parehong araw kasabay ng unang bugso ng documentary showings ng Daang Dokyu documentary film festival noong Setyembre 19.

Kabilang sa panelists sina De La Salle University School of Law Dean Atty. Chel Diokno, Film Directors Joel Lamangan at Kiri Dalena, at Miguel Reyes ng University of the Philippines’ Third World Studies Center. Nagsilbi namang moderator ang batikang mamamahayag na si Ed Lingao.

Ibinahagi nina Diokno, Lamangan, at Dalena ang kani-kanilang mga karanasan noong panahon ng Batas Militar.

Para kay Diokno – anak ng tanyag na human rights lawyer at dating senador na si Jose “Ka Pepe” Diokno, “traumatic” para sa kanya nang ipakulong ang kanyang ama dahil lamang sa pagiging kritiko ni Marcos.

Kalahating oras lamang umano ang inilaan para sa pamilya Diokno upang bisitahin si Ka Pepe na nakulong Nueva Ecija.

“It was really traumatic for us because when we were allowed to see him, we could not even touch him. There were two layers of barbed wire between us and he had lost a lot of weight because ang nangyari pala sa kanila is inilagay sila sa incomunicado detention,” ani Diokno.

Binuo ni Ka Pepe ang Free Legal Assistance Group o FLAG noong 1974 kasama ang dalawa pang abogadong sina Lorenzo Tañada at Joker Arroyo.

Si Atty. Chel Diokno na ang kasakuluyang naglilingkod bilang FLAG chair. Nakatuon ang organisasyon sa human rights cases, subalit humahawak din ito ng iba pang mga kaso mula sa iba’t-ibang sektor ng lipunan.

Samantala, pareho namang naranasan nina Lamangan at Dalena ang martial law sa murang edad.

Si Lamangan ay inaresto nang dalawang beses noong 1973 at 1977 dahil sa pagiging bahagi aniya ng mga subersibong organisasyon.

Aniya, “Batang-bata pa ho ako nung ako’y hulihin at ikarsera nila ng dalawang taon sa pagbibintang na ako’y KAGUMA – (Kapisanan ng Gurong Makabayan). Kaga-graduate ko lang ng high school.”

Kinalaunan ay naging award-winning filmmaker si Lamangan, at kabahagi na ito ng Concerned Artists of the Philippines at Directors’ Guild of the Philippines.

Ibinahagi naman ni Dalena na naging takbuhan ang kanilang tahanan mula sa mga nagnanais makaiwas sa mga awtoridad.

 “Yung mga magulang ko, ang memory ko ay sila yung mga tagapag-tago ng mga aktibista na tinutugis ng militar kaya lumaki kami na may mga kabataang hindi pinapakilala sa amin,” wika ni Dalena.

Si Dalena ay isinilang noong 1975 – tatlong taon matapos ideklara ang Martial Law. Sa ngayon, siya ay isang aktibista at kilala sa kanyang mga photographic prints na pinamagatanag Erased Slogans, kung saan ipinapakita kung paano binusalan ng rehimeng Marcos ang oposisyon nito.

Samantala, naglunsad naman ng online protest ang grupong Migrante International upang ikundena ang pagkakapareho umano nina Marcos at Duterte.

Ang rally na tinawag na Global Online Rally: 48th Anniversary of the Martial Law Declaration, ay dinaluhan ng mga miyembro ng Migrante International upang ikundena ang deklarasyon ng Batas Militar noong 1972, pati na rin ang “fascist conditions” ng kasalukuyang administrasyon dahil sa lockdown na sinamahan ng Anti-Terrorism Law at War on Drugs.

Nanawagan sa publiko si Arman Hernando, pinuno ng Migrante Philippines, na ihinto ang ipinapanukalang batas na layong gunitain ang kaarawan ni Marcos bilang holiday sa kanyang balwarte sa Ilocos Norte.

“Gusto po naming ipabatid at dalhin sa OFWs, kanilang pamilya at buong sambayanang Pilipino ang malaking hamon para tutulan at itakwil ang historical revisionism – ang pagrerebisa sa madugong record ni Marcos at ng pamilya niya,” giit ni Hernando.

LATEST

LATEST

TRENDING