Palasyo, ipinagkibit-balikat ang komento ni Robredo tungkol sa kawalan ng sistema sa Covid response

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Ipinagkibit-balikat ng Malacañang noong Setyembre 16 ang mga naging pahayag ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo tungkol sa umano’y kakulangan ng sistema sa Covid-19 response ng pamahalaan, at sinabi na lamang na may karapatan siyang magpahayag ng opinyon bilang lider ng oposisyon.

Of course, as the leader of the opposition, we don’t expect anything positive about this administration from her (Bilang lider ng oposisyon, hindi tayo umaaasang may positibo siyang sasabihin tungkol sa administrasyong ito),” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Dagdag pa nito, “We’ve accepted that. She can say all the negative things about the administration, but people still support the President (Tinanggap namin ito. Puwede niyang sabihin kahit anumang nais niyang ibato sa administrasyon, subalit suportado pa rin ng tao ang pangulo).”

Ayon naman kay Robredo noong Setyembre 16, hindi niya ipinanawagan ang pagbibitiw ni Health Secretary Francisco Duque III dahil may mas malalang suliraning kinakaharap ang bansa — ang kawalan ng sistema sa pamahalaan.

Aniya, “Iyong problema natin is so much bigger than Secretary Duque. Para sa akin, iyong problema talaga iyong national government, na parang walang sistema… parang walang cohesive na plano.”

Nauna nang ipinahayag ng Palasyo sa mga kritiko na isantabi muna ang pulitika habang nasa gitna ng pandemiya ang bansa.

Idiniin naman ng kampo ni Robredo na hindi dapat ituring na pawang pamumulitika ang mga komento ng pangalawang pangulo dahil pare-pareho aniya ang layuning makalagpas ng mga Pilipino sa pandemiya.

“Sa panahon na ito, hindi na dapat ang pag-iisip natin oposisyon o administrasyon. Ang pag-iisip natin dapat dito lahat tayo ay Pilipino, lahat tayo gustong makaahon ang buong bansa natin laban sa pandemyang ito,” wika ni Barry Gutierrez, spokesperson ni Robredo.

Umaasa aniya ang pangalawang pangulo na makikinig ang administrasyon at ikokonsidera ang kanyang mga mungkahi, dahil posible itong makatulong sa laban ng bansa kontra Covid-19.

LATEST

LATEST

TRENDING