Net worth ni Robredo, tumaas sa ₱3.5-M noong 2019

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangalawang Pangulo Leni Robredo

Tumaas sa ₱3.5 milyon ang net worth ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo noong 2019, batay sa kanyang huling statement of assets, liabilities, and net worth (SALN).

Ito ay mas mataas ng ₱1.2 milyon mula sa kanyang 2018 net worth na P2.3 milyon. Ipinapakita rin sa huli nitong SALN na ito ang ikalawang beses na tumaas ang kanyang net worth mula nang mahalal ito bilang pangalawang pangulo noong 2016.

Ang pagtaas ng kanyang net worth ay dahil aniya sa paglago ng kanyang assets mula ₱14.2 milyon noong 2018 patungong ₱15.4 milyon noong nakaraang taon.

Sa ilalim ng kanyang assets, tumaas ang pera ni Robredo sa ₱8.5 milyon mula sa ₱7.3 milyon noong 2018.

Hindi naman nagbago ang halaga ng iba pa nitong personal properties. Ang furniture at appliances ng pangalawang pangulo ay nasa ₱1.5 milyon pa rin; jewelry, ₱100,000; prepaid insurance, ₱655,000; Toyota Innova, ₱1.12 milyon; at Toyota Grandia, ₱1.75 milyon.

Samantala, ang kanya namang real properties sa Naga City, Camarines Sur ay nagkakahalaga ng kabuuang ₱1.735 milyon.

Nanatili naman ang kanyang liabilities sa ₱11.9 milyon noong 2019.

Ipinapakita rin ng SALN ni Robredo na may “shares of stock” ito sa Meralco sa halagang ₱95,000.

Ipinahayag naman ng Office of the Vice President na mananatili ang pagsasapubliko ng SALN ni Robredo bagama’t nagpatupad ng paghihigpit ang Office of the Ombudsman tungkol dito.

Sa huling inilabas na memorandum circular, sinabi ng Ombudsman na hindi nito tutugunan ang mga requests para sa paghingi sa kopya ng SALN nang walang pahintulot mula sa mga opisyal ng pamahalaan.

LATEST

LATEST