Guevarra: Walang sapat na ebidensiya para kasuhan si Duque tungkol sa PhilHealth isyu

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Justice Secretary Menardo Guevarra

Ipinahayag ng task force na inatasang mag-imbestiga sa mga katiwalian ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na hindi ito nakahanap ng sapat na ebidensiya para magsampa ng kaso laban kay Health Secretary Francisco Duque III.

Ayon sa namumuno ng task force na si Justice Secretary Menardo Guevarra noong Setyembre 17, kulang ang ebidensiya para i-ugnay si Duque sa mga anomalyang bumabalot sa PhilHealth. Ang mga ito ay ang interim reimbursement mechanism, procurement ng information technology equipment, at ang legal sector.

Aniya, “I’d like to clarify. The findings of the task force were preliminary in nature because we have only covered three major areas where fraud is heavily suspected. Insofar as Secretary Duque is concerned, we have not seen enough evidence that would make us recommend that he be charged administratively or criminally (Gusto kong linawin. Ang findings ng task force ay preliminary lamang dahil na-cover lamang natin ang tatlong major areas kung saan may katiwalian. Para kay Secretary Duque, hindi tayo nakakita ng sapat na ebidensiya para irekomendang kasuhan ito).”

Pinuna naman ng ilang mga mambabatas ang naging kapasyahan ng task force tungkol kay Duque. Dapat umanong sampahan ng kaso ang kalihim sapagkat siya ang chairperson ng PhilHealth.

Gayunpaman, iginiit ni Gueverra na magpapatuloy pa rin ang imbestigasyon tungkol sa isyu, at sinabing hindi pa tuluyang abswelto si Duque pati na rin ang iba pang mga opisyal.

Binanggit din ni Guevarra ang posibilidad ng pagkakaroon ng pagkakaiba-iba sa ebidensiyang ipinepresenta sa task force at Senado, na nagrekomendang kasuhan si Duque.

Sa isinumite nitong 177-pahinang report kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Setyembre 14, nakitaan ng negligence ng Task Force PhilHealth ang ilang mga opisyal ng state health insurer. Inirekomenda nito ang pagsasampa ng mga reklamo laban sa ilang matataas na opisyal kabilang na si dating PhilHealth CEO at President Ricardo Morales.

LATEST

LATEST

TRENDING