Hontiveros: PH, nawalan ng P1-B dahil sa overpriced PPEs ng DBM

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Sen. Risa Hontiveros

Nawalan ng tinatayang P1 bilyong pondo ang Pilipinas dahil sa overpriced protective equipment na binili ng budget department mula Abril hanggang Mayo bilang pagtugon sa Covid-19 pandemic, giit ni Sen. Risa Hontiveros noong Setyembre 17.

Tatlo mula sa limang milyong sets ng personal protective equipment na binili ng DBM ay galing umano sa mga kumpanyang Chinese.

Ang mga nasabing PPE sets ay overpriced ng P200 hanggang P500 bawat isa kung ihahambing sa estimated price na P1,200 hanggang P1,500 ng Philippine General Hospital, dagdag pa ng senadora.

Aniya, “Overpriced na nga, di pa pinapagawa sa Pilipinas. Sayang na sa pera, mukhang may kinita pa.”

“P1 bilyon na dapat sana ay pupunta sa mas maraming PPEs. Lalo na sa panahong ito na dumadami ang bilang ng ating health workers na namamatay dahil sa inadequate protection,” wika ni Hontiveros.

Puwede sanang nagamit aniya ang P1 bilyong nawala dahil sa overpriced PPEs sa pagtaas sa sahod ng mga health workers.

“Imbis na pag-ban sa mga nars ang atupagin, hindi ba dapat inasikaso na lang ang pagtaas ng pasahod ng ating frontliners?” diin ni Hontiveros, habang tinatalakay ang deployment ban ng health workers para matiyak ang sapat na bilang ng medical workforce sa bansa habang nasa gitna ito ng pandemiya.

Naharap din sa kritisismo ang Department of Health (DOH) dahil sa overpriced procurement ng PPEs.

Samantala, ipinahayag naman ng Department of Budget and Management (DBM) na nagkaproblema ito sa paghahanap ng mga kwalipikadong local suppliers na pasok sa requirements ng DOH dahil sa umiiral na lockdown na sinabayan pa ng mataas na global demand para sa medical supplies at equipment.

Ayon kay Budget Undersecretary Lloyd Lao, na siyang pinuno ng procurement service ng ahensya o PS-DBM, direkta umano silang “nakipag-ugnayan sa medical equipment manufacturers sa China” para matugunan ang problema at “para maibaba pa ang procurement cost.”

Samantala, iginiit naman ni Hontiveros na umpisa pa lamang ng pandemiya ay nakakagawa na ng mga lokal na PPEs at iba pang mga medical equipment ang mga Pilipino.

Aniya, “Nag-invest sila, gumastos para magkaroon ng kapasidad particular sa PPE manufacturing tapos bigla na lang silang natengga, hindi prinocure ‘yung de kalidad na produce nila.”

Naghain din ito ng bill sa layong manduhan ang pamahalaan na bumili ng suplay mula sa mga local producers sa panahon ng pandemiya.

“Sa panahon na naghihingalo ang mga negosyanteng Pilipino ang laking insulto naman na dayuhang kompanya pa ang nabigyan ng kabuhayan kaysa sa kanila,” pagbibigay diin ni Hontiveros.

LATEST

LATEST

TRENDING