Duterte, pinag-aaralan ang pagbuwag o pag-privatize sa PhilHealth

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Pinag-aaalan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang posibilidad ng pagbuwag sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kung hindi pa rin matutugunan ng bago nitong pinuno ang kurapsyon sa loob ng ahensya, pahayag ni Senate President Tito Sotto noong Setyembre 17.

Nakipagpulong sa mga lider ng Kongreso si Duterte noong Setyembre 16 para talakayin ang mga plano para lutasin ang mga suliranin sa burukrasya at alisin ang katiwalian sa pamahalaan habang may dalawang taon pa ito sa puwesto.

Ayon kay Sotto, kinokonsidera ng pangulo ang abolisyon o privatization ng PhilHealth, subalit inabishuhan niya ang pangulo na huwag itong gawin, at iginiit ng bigyan ng pagkakataon si Dante Gierran, ang bagong PhilHealth President at CEO na pumalit kay Ricardo Morales dahil sa mga iniinda nitong karamdaman.

He said he wanted Philhealth abolished or privatized but I said it might be better to wait a few months and see how the new admin performs (Sinabi niyang gusto niyang buwagin o i-privatize ang PhilHealth subalit sinabi kong maghintay muna ng ilang buwan kung paano ito tutugunan ng bagong pamunuan),”ani Sotto.

Ayon naman kay Senador Bong Go, nagkasundo sila na bigyan ng “pagkakataon” si Gierran hanggang sa dulo ng taon para linisin ang ahensya.

Aniya, “If wala pa rin, study possibility of disbanding PhilHealth.”

Unang tinanggihan ng Malacañang ang mungkahi ni Marikina City Rep. Stella Quimbo noong Agosto na gawing pribado ang PhilHealth.

“Kaya po iyan nasa ilalim ng gobyerno dahil ang pagbigay po ng kalusugan ay isang karapatan ng taumbayan at obligasyon ng estado,” wika ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Agosto 20.

Sinabi naman nina Go at Sotto na pumapabor si Duterte sa inilabas na Senate resolution na layong ilipat ang ex-officio chairmanship ng PhilHealth mula sa health secretary patungo sa finance chief dahil isa umano sa mga mandato ng korporasyon ay ang magkaroon ng sustainable fund management para matiyak ang pagpapatuloy ng serbisyong pangkalusugan.

Sumailalim kamakailan ang PhilHealth sa mabusising imbestigasyon dahil sa katiwalian, kung saan nag-udyok ito sa mga mambabatas na irekomenda ang pagsasampa ng mga kaso laban kay Health Secretary Francisco Duque, dating PhilHealth President at CEO Ricardo Morales, at iba pang mga opisyal.

Gayunpaman, hindi naman kabilang si Duque sa mga inirerekomendang kasuhan batay sa resulta ng isang hiwalay na imbestigasyong isinagawa ng Task Force PhilHealth, na pinangungunahan ng Department of Justice (DOJ). Binatikos naman ang hakbang na ito ng ilang mga mambabatas kabilang na si Sotto.

LATEST

LATEST

TRENDING