DOTr, hinikayat na ipaubaya ang physical distancing sa health experts

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Ginisa ng mga mambabatas noong Setyembre 15 ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) matapos nitong ipag-utos ang unti-unting pagpapaluwag ng physical distancing sa mga pampublikong sasakyan, kasabay diin na marami pa ring displaced drivers ang hindi pa nakakapagbalik-pasada.

Sa ginanap ng pagdinig sa badyet ng DOTr sa House Committee on Appropriations, tinalakay ng mga kongresistang nasa minority ang isyu tungkol sa mga jeepney drivers na nagnanais makabiyahe, pati na rin ang mga commuters na stranded dahil sa kakulangan ng pampublikong transportasyon.

“There are still around 1.7 million stranded workers…nagde-debate pa ho tayo whether it is wise to reduce social distance protocol,” giit ni Marikina Rep. Stella Quimbo sa mga opisyal ng DOTr.

Dagdag pa nito, “Hayaan na lang natin ang health experts to debate on that.”

“Ang simpleng solusyon para tugunan [ang shortage] is to increase ang number ng namamasada (The simplest solution to address the shortage of vehicles is to increase the number of drivers),” pagbibigay diin ng mambabatas.

Parehong sentimiyento rin ang ipinahayag nina Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite at Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong at sinabing may mga iba pang hakbang para tiyakin ang kaligtasan ng mga commuters.

Ayon naman kay Martin Delgra, pinuno ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, mula sa 41,986 traditional jeepneys sa Metro Manila, tinatayang nasa 18,000 units lamang ang naka-deploy.

Aniya, “Ongoing po yung pag-a-assess in so far as having to put them on the road. Ang pagde-deploy po natin ay immediate, urgent, short term, in so far as the need for public transport is concerned.”

Ipinahayag naman ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin na kung wala na talagang makapagbabago sa isip ng DOTr na iimplementa ang mga bagong panuntunan sa distancing, dapat umanong ikonsidera rin nito ang pagpapalawig sa contactless fare payments para sa lahat ng uri ng pampublikong transportasyon, pati na rin ang paglalagay ng sanitizing stations sa terminals.

Inamin naman ni DOTr Secretary Arthur Tugade sa ginanap na pagdinig na bagama’t hindi konkretong lunas ang pagpapaluwag sa distancing, kinailangang isipin ng ahensya ang muling pagbubukas ng ekonomiya.

Pinabulaanan din ng kalihim ang mga paratang na minadali ang pagdedesisyon tungkol dito dahil nakabatay aniya ito sa mga pag-aaral at sa pakikipagkonsulta sa iba’t-ibang medical experts, kabilang ang mga nasa Philippine Medical Association.

“Ito ba ay kongkretong solusyon? Hindi ho. Marami pang dapat gawin,” pahayag ni Tugade.

Hindi rin umano nangangahulugang magsisiksikan na ang mga pasahero sa mga sasakyan dahil sa pagpapagaan ng distancing.

“Hindi ibig sabihin niyan magsisiksikan na ang mga tao,” he explained. “Sa jeepney o bus, isa hanggang apat lang ang idadagdag na pasahero. Sa mga tren, 40 to 60 depende sa configuration,” wika ng kalihim.

Unang inanunsyo ng DOTr na itatakda nito sa 0.75 meter ang required na distanstya sa pagitan ng mga tao sa loob ng mga pampublikong transportasyon. Sa Setyembre 28, ito ay babawasan pa sa 0.5 meter, at 0.3 naman sa Oktubre 12.

LATEST

LATEST