Eleazar: Travel authority, kailangan kapag pupunta ng Tagaytay

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Ipinagbabawal pa rin para sa mga non-Cavite residents ang pagpunta sa Tagaytay nang walang travel authority, ayon kay Joint Task Force Covid-19 Shield Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar noong Setyembre 14.

Aniya, “While it is true na ‘yung Tagaytay, dineclare ng LGU nila na hindi na kailangan ‘yung travel pass pagpasok du’n, ‘yun po ‘yung manggagaling ng Cavite.”

“Dapat po may reason ka ng pagpunta. [….] Dapat kumuha ka pa rin ng travel authority,” dagdag pa ni Eleazar.

Binigyang diin ni Eleazar na tanging mga manggagawa at authorized persons outside residence (APOR) lamang ang maaaring makalabas ng Metro Manila.

Dahil sa kamaikailang pagbubukas ng Tagaytay para sa mga lokal na turista, dumadagsa ang mga tao sa sikat na destinasyon. Naranasan ang pagsisikip ng trapiko sa lungsod dahil sa pagtaas ng bilang ng mga motorista at pampribadong sasakyan noong nakaraang linggo.

Sinabi rin ng JTF Covid-19 Shield Commander na maglalabas ng guidelines ang Inter-Agency Task Force, sa pamamagitan ng Department of Tourism, tungkol sa  “staycations” sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).

Ang mga nakatira sa parehong lalawigan, lungsod, o lugar lamang ang maaaring makapag-book ng staycations sa mga hotels.

“Kung ‘yung mga hotel na ‘yan, eh, sa Metro Manila, taga-Metro Manila ka… Sa probinsya, taga-du’n ka sa probinsya,” paliwanag ni Eleazar.

Sa ngayon, wala pang paghihigpit tungkol sa pagbiyehe sa loob ng Metro Manila at iba pang highly urbanized areas, dagdag pa ni Eleazar.

Alinsunod sa muling pagbubukas ng turismo, pinayagan ng IATF ang “staycations” sa mga lugar na nasa GCQ simula Setyembre 11.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang mga hotels sa GCQ areas ay pinapayagang mag-alok ng “basic accommodation services” sa mga panauhin sa pamamagitan ng in-house staff.

“Talaga pong unti-unti nating binubuksan ang ating ekonomiya. Ito pong pinaplano ng DOT ay alinsunod naman sa pagbubukas ng sektor ng turismo,” ani Roque. 

Samantala, nilinaw naman ng tagapagsalita ng pangulo na ang iba pang mga serbisyo ng hotels tulad ng cafes, bars, gyms, at spas at kinakailangan ding sumunod sa mga itinakdang panuntunan ng IATF tungkol sa kung anu-anong mga serbisyo ang maaaring buksan at kung ilang customers ang maaaring i-accomodate.

“Let’s give it a chance. Pwede naman pong pag-ingatan ang buhay para po makapaghanap-buhay ang lahat,” giit ni Roque.

LATEST

LATEST

TRENDING