Roque: Ayuda, ipapamahagi sa mga lugar na may granular lockdown

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Bibigyan ng ayudang pinansyal ang mga pamilyang naninirahan sa mga lugar na isasailalim sa granular lockdowns, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque noong Setyembre 14.

Ang ipapamahaging ayuda ay nagkakahalaga ng ₱5,000 hanggang ₱8,000, kung saan kukunin ito mula sa ₱6 bilyong inilaan para sa mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim na bagong batas na Bayanihan to Recover as One Act, o Bayanihan 2.

Binibigyang kapangyarihan din ang mga pamahalaang lokal na isailalim ang ilang lugar na may mataas na bilang ng Covid-19 cases sa ilalim ng granular lockdowns upang mapigilan ang lalo pang paglaganap ng Covid-19.

Naglaan din ang Bayanihan 2 ng bilyun-bilyong piso para tulungan ang mga manggagawa na naapektuhan ng pandemiya, dagdag pa ni Roque.

₱13 bilyon aniya ang gagastusin sa cash-for-work programs para sa displaced workers, tulad ng TUPAD, CAMP at DOLE-AKAP. Kasama rin sa pondo ang unemployment o involuntary separation assistance para sa mga nasabing empleyado.

“[M]agbibigay din po tayo ng tulong sa mga nais na magkaroon ng training para magkaroon po ulit ng mga bagong trabaho,” ani Roque.

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bayanihan 2 ngayong buwan, kung saan magbibigay ito ng ₱165.5 bilyong pondo bilang pagtugon sa Covid-19 response at muling pagbubukas ng ekonomiya dahil sa pagbagal nito bunsod ng ilang buwang lockdown.

LATEST

LATEST