‘Bayanihanapbuhay’ ni Robredo, layong tulungan ang mga naghahanap ng trabaho at MSMEs

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangalawang Pangulo Leni Robredo
Kuha ni: Mark Demayo (ABS-CBN News)

Ilang araw matapos maglunsad ng job listings website para tulungan ang mga Pilipinong naghahanap ng trabaho, inanunsyo rin ng Office of the Vice President (OVP) na magbubukas ito ng platform na layong tulungan ang mga may-ari ng maliliit ng negosyo na apektado ng Covid-19 pandemic.

Ayon kay Pangalawang Pangulo Leni Robredo noong Setyembre 13, maglulunsad sila ngayong linggo ng online platform sa ilalim ng “Bayanihanapbuhay” initiative, na magbibigay ng mga oportunidad para sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs), na naunang nakatanggap ng benepisyo mula sa anti-poverty program ng OVP na Angat Buhay.

Aniya, “Hopefully before the end of this week, ma-launch namin.”

Ang “Bayanihanapbuhay”, mula sa pinagdugtong na mga salitang “bayanihan” at “hanapbuhay”, ay ang pinakahuling programa ng OVP na layong tulungan ang mga Pilipinong humanap ng mapagkakakitaan ngayong panahon ng krisis.

Ang unang leg ng Bayanihanapbuhay ay inilunsad noong Setyembre 10, sa pamamagitan ng isang website na nagpapakita ng mga job opportunities online. Ang website na ito ay ang sikap.ph.

Maaari ring makipag-ugnayan ang mga employers sa OVP sa pamamagitan ng bayanihanapbuhay@ovp.gov.ph upang mai-post ang kani-kanilang job vacancies.

Ayon kay Robredo, mayroon nang 4,000 posted job vacancies sa website, na available sa iba’t-ibang lokasyon tulad ng Metro Manila, Batangas, Bulacan, Cebu, Cavite, atbp.

“Hopefully in the coming days, marami pa tayong maging partners para tuluy-tuloy pa ang availability ng trabaho,” wika ng pangalawang pangulo.

Ipinahayag din ni Robredo na pinag-iisipan ng OVP ang maglunsad ng hiwalay na skills training program para sa mga Pilipinong nagnanais na mag-avail ng kanilang online certification courses, sa ilalim ng ikatlong leg ng Bayanihan.

Iniulat kamakailan ng Philippine Statistics Authority (PSA) na tinatayang nasa 4.6 milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho noong Hulyo.

Aktibo namang nakikipagkoordinasyon ang tanggapan ni Robredo sa pribadong sektor para tugunan ang Covid-19 pandemic sa nakalipas na mga buwan.

Naunang naglunsad ng mga programa ang OVP na nagbigay ng personal protective equipment (PPEs), libreng shuttle services, at dormitories para sa health workers. Bumili rin ang ahensya ng mga coronavirus test at extraction kits na ipinamahagi sa iba’t-ibang private at state laboratories.

LATEST

LATEST

TRENDING