Pemberton, habang buhay nang banned sa Pilipinas matapos ipa-deport

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
US Marine Joseph Scott Pemberton
Larawan mula sa: Bureau of Corrections

Habang buhay nang banned si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton sa Pilipinas pagkatapos isakatuparan ang kanyang deportation, ayon sa Bureau of Immigration (BI) noong Setyembre 12.

“It comes with the deportation. Lahat ng foreign national na dine-deport natin they are included in our blacklist, perpetual po ‘yan, ‘di na papayagang bumalik ng Pilipinas,” giit ni BI Spokesperson Dana Sandoval.

Noong 2014, pinatay ni Pemberton ang Pilipinang transgender na si Jennifer Laude matapos silang magkita sa isang bar habang naka-break sa military exercises sa Olongapo City. Inamin ng Amerikano na sinakal niya si Laude nang malamang mayroon itong ari ng lalake habang nagsasagawa ang dalawa ng pribadong aktibidad.

Ang katawan ni Laude ay natagpuan sa isang hotel sa Olongapo City.

Kamakailan ay ginawaran ng absolute pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Pemberton, kung saan agad nitong mabubura ang sintensya ng sundalo upang tuluyang makalaya, bagama’t kalahati pa lamang ang natatapos nito sa kanyang sampung taong sintensya.

Hindi pa tiyak kung kailan ang petsa ng deportation ni Pemberton, dahil pinoproseso pa aniya ang kanyang mga dokumento, dagdag pa ni Sandoval.

Aniya,  “We are waiting din for the details of the flight schedule but we’re hoping siguro within 1 o 2 days, so mga this weekend yun o possible early next week.”

Bukod sa flight details at travel documents, hinihintay rin ng immigration ang clearance ni Pemberton mula naman sa National Bureau of Investigation (NBI).

“Walang fixed timeline sa implementation ng deportation. Kailangan lang po talaga na antayin ang mga dokumento,” ani Sandoval.

Kapag makumpleto na ang lahat ng mga ito, ililipat na si Pemberton sa airport mula sa Camp Aguinaldo kung saan ito kasalukuyang naka-detain.

LATEST

LATEST

TRENDING