WHO vaccine trials sa PH, posibleng umarangkada sa huling linggo ng Oktubre

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Dado Ruvić (Reuters)

Posible umanong mag-umpisa ang clinical trials ng World Health Organization (WHO) para sa Covid-19 vaccines sa huling linggo ng Oktubre, ayon sa Department of Health (DOH) noong Setyembre 11.

Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang sub-technical working group para sa vaccine development ng bansa ay nakipagpulong sa WHO at nakatanggap ito ng bagong updates hinggil sa timeline.

Sa ikatlo o ikaapat na linggo ng Setyembre, iaanunsyo aniya ng Solidarity Trial team ang mga bakunang ipapabilang sa trials.

“Sa ngayon kasi may mga pinagpipilian na listahan which are about 34 na mga bakuna na pinagpipilian. Of course they will be reducing this, kung ano lang ang karapat dapat iyon ang isasama nila,” ani Vergeire.

Naunang sinabi naman ng Department of Science and Technology (DOST) na walong bakuna ang ipapabilang sa WHO trial.

Bagama’t hiwa-hiwalay na nakikipagpulong ang vaccine developers sa Pilipinas, bibigyang prayoridad naman umano ng pamahalaan ang WHO trial, na layong isagawa ang simultaneous testing ng ilang mga bakuna sa iba’t-ibang bansa.

Sinabi naman ni Vergeire na matutukoy nila sa dulo ng buwan ang mga sites kung saan isasagawa ang mga nasabing trials.

Aniya, “Mag-uumpisa kasi muna sa isang pilot site tapos all the sites that were identified already isasama na.”

Kasalukuyan ding nakikipagpulong ang bansa sa mga vaccine developers mula Russia at China.

“As to Gamaleya Institute (of Russia), itong Sputnik V (vaccine, they already submitted their documents to us. We were able to review it already, the vaccine expert panel, and we already submitted our comments (Nireview na nami it at naisumite na namin ang aming mga komento),” wika ni Vergeire.

Dagdag pa, “So we are just awaiting for their response on the comments of our vaccine expert panel (Hinihintay na lamang namin ang tugon sa mga komento ng aming vaccine expert panel).”

LATEST