Malacañang: EO para sa Satellite Access Liberalization, malabo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Maliit ang posibilidad na maglalabas ng executive order (EO) si Pangulong Rodrigo Duterte na magpapahintulot sa mga internet service providers na mag-set up ng networks sa pamamagitan ng satellite technology, ayon sa Malacañang noong Setyembre 10.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang panawagan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) sa pangulo na mag-isyu ng EO para sa Satellite Access Liberalization na layong pagandahin ang connectivity ng bansa ay kinakailangan pa ng mas malawakang pag-aaral.

Aniya, “Kinakailangan po nang mas malawakang pag-aaral diyan dahil alam naman natin ang paggamit ng ere ay subject to the grant of a franchise issued by Congress.”

Ipinaliwanag ni Roque na ang paglagda ng EO ay maaaring sumalungat sa kapangyarihan ng Kongreso sa pagbibigay ng prangkisa.

Sa tingin ko po parang malabo pong magawa ng Presidente iyan through an Executive Order because he will be possibly infringing on the powers of Congress but we need to study the matter in more details (dahil posibleng sumalungat ito sa kapangyarihan ng Kongreso subalit kinakailangan nating pag-aral ito nang mas detalyado),” ani Roque.

Naunang sinabi ni PCCI President, Amb. Benedicto Yujuico na ang pagpirma ng EO tungkol sa Satellite Access Liberalization ang pinakamabilis na paraan para sa mga internet services na makapagtayo ng kanilang network gamit ang satellite technology para sa internet connectivity.

Puwede rin umanong maging epektibo ang EO habang nakabinbin sa Kongreso ang mga panukala na layong paigtingin ang connectivity sa bansa.

Hinikayat naman ni Duterte ang kanyang Gabinete na paikliin ang oras sa pagproseso ng building permits para sa telecommunication towers bunsod ng mga suliraning kinakaharap ng telecommunication companies sa pagkuha ng mga nasabing permits upang makapagtayo ng towers o cell sites.

LATEST