DOJ: Imbestigasyon sa PhilHealth, ‘ebidensiya lamang’ ang pagbabatayan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Ipinahayag ng pinuno ng isang inter-agency task force na inatasang mag-imbestiga sa mga alegasyon ng katiwalian sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) noong Setyembre 9 na titingnan lamang nito ang mga nakahaing ebidensiya at wala nang iba, kahit na patuloy pa rin ang pagdepensa ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Health Secretary Francisco Duque III.

Si Duque ang nagsisilbing chairman ng PhilHealth, kung saan inakusahan ang ilang mga opisyal ng ahensya na nagbulsa umano ng aabot sa P15 bilyong pondo nito.

Katatapos lamang ganapin ng task force ang mga pagdinig ng mga witnesses at kasalukuyan na nitong binubusisi ang mga ebidensiya, ayon sa pinuno ng task force na si Justice Secretary Menardo Guevarra. 

Aniya, “We have to go by the evidence only and nothing further. Iyan lang ang pagbabasehan ng DOJ prosecutors, for example, or investigators when they make a resolution.”

“I intend to apply the same standard in this task being given to Task Force PhilHealth,” dagdag pa ng kalihim.

Ipinahayag ni Duterte noong Setyembre 7 na “hindi pa oras” para mag-resign si Duque, bagama’t inirekomenda na ng isang komite sa Senado ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa kanya dahil aniya sa “improper and illegal implementation” ng Interim Reimbursement Mechanism ng PhilHealth, “malversation of public funds,” at kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Ayon naman kay Guevarra, ipinahayag ito ng pangulo batay sa “konteksto ng mga isyu sa kurapsyon”.

“In other words, as far as Mr. Duterte is concerned, kung mayroong issue of corruption, mawawala sigurado ang trust niya doon sa person na iyon. Pero kung hindi naman corruption ang issue against one of his officials or Cabinet secretaries, then probably, he’ll be more lenient,” ani Guevarra.

Sinabi naman ni Duque na hindi sa kanya nakasalalay ang command responsibility ng PhilHealth, kundi nasa president at CEO. Iginiit din nitong wala siyang voting power sa mga pagpapasya sa ahensya.

Inilabas naman ni Duque kay Duterte ang kanyang mga hinanaing tungkol sa kanyang pagkakasangkot sa mga anomalya ng PhilHealth.

“Nakakatawa ho. I have to express my — my frustration, Sir. I hope you don’t mind. Eh ‘yon ngang mga pumirma, eh ni hindi man sila ni-recommend eh. Iyong hindi — ‘yung mga pumirma, hindi ni-recommend for filing of the cases. Iyong hindi pumirma, ‘yon lang ang idinawit,” wika ni Duque.

Dagdag pa ng kalihim, “Parang, bakit naman ganun? What heart of injustice, unfairness? And masakit po ‘yan, Sir, ‘yung hindi ka nga pumirma, ikaw pa iyong idinadawit — ipinipilit na idawit.”

“Iyon sir, ang hindi ko matanggap lang sa dibdib ko eh,” diin nito.

LATEST

LATEST

TRENDING