Robredo, kinundena ang inhustisyang bumabalot sa pardon kay Pemberton

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangalawang Pangulo Leni Robredo

Kinuwestyon ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo noong Setyembre 8 ang paggawad ni Pangulong Rodrigo Duterte ng absolute pardon kay Lance Corporal Joseph Scott Pemberton, isang convicted US Marine na siyang pumatay sa Pilipinang transgender na si Jennifer Laude noong 2014.

Idiin ni Robredo na isa lamang itong halimbawa para patunayang mas binibigyang prayoridad ng administrasyon ang mga mayayaman at makapangyarihan sa halip na ang libu-libong mahihirap na nakakulong para sa mga mas magaang mga krimen.

Aniya, “Ang tanong nga natin: Patas at makatarungan ba ang naging desisyong ito? Isa lang ang kasong ito sa maraming patunay ng pagkiling sa makapangyarihan na nakikita natin mula sa pamahalaan. Ang nakikita natin: Kapag mahirap, may parusa; kapag mayaman at nasa poder, malaya.”

Isinalaysay ni Robredo ang kakayanan ni Pemberton para makakuha ng mga abogado,  special detention facility, mabilis na paglilitis, at legal options para maghain ng appeal.

Malinaw aniya na may kakayanan si Pemberton na kunin ang atensyon ng pangulo, dagdag pa ng pangalawang pangulo.

We continue to hope that the President exercises his vast powers in a manner that is fair and that benefits the common Filipino (Umaasa tayong gagamitin ng pangulo ang kanyang malawak na kapangyarihan para sa ikabubuti ng karaniwang Pilipino),” ani Robredo.

Samantala, sinabi naman ni Albay Rep. Edcel Lagman na agaran ang epekto ng pardon at hindi ito maaaring iapela.

Gayunpaman, iginiit ng mambabatas na dapat may malinaw na rason kung bakit ito iginawad ng pangulo.

“That power, although absolute, should not be exercised with capriciousness. Kailangang merong rason, merong justified reason, clear and justified reason bakit ang isang bilanggo ay bibigyan ng absolute pardon. Dito sa kaso ni Pemberton, mukang walang gaanong rason,” ani Lagman.

Tiniyak naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na bagama’t hindi idinaan ni Duterte ang pardon kay Pemberton sa kadalasang proseso, hindi naman umano ito labag sa batas.

Ang usual na proseso ay ang pagsusumite ng aplikasyon ng inmate para humiling ng pardon o parole, na susuriin naman ng Board of Pardons and Parole.

Isusumite naman ito sa DOJ, at kinalaunan ay ieendorso sa pangulo kung nakumpleto na ang mga dokumento.

Nothing prevents the president from directly exercising his constitutional power to grant executive clemency at any time, because it is a personal act of grace (Walang pumipigil sa pangulo na gamitin ang kanyang kapangyarihan para magpaabot ng clemency anumang oras),” wika ni Guevarra.

Ikinagulat naman ng kampo ni Pemberton ang desisyon ng pangulo dahil hindi naman ito nagsumite ng aplikasyon para sa pardon. Inaasahang makakalaya si Pemberton sa Biyernes, Setyembre 11, matapos makulong ng limang taon at sampung buwan lamang.

Noong Oktubre 11, 2014, pinatay ni Pemberton si Laude sa isang motel room sa Olongapo City sa pamamagitan ng pagsakal at pag-untog ng ulo nito sa kubeta.  Ito ay matapos mapag-alaman ni Pemberton na mayroong ari ng lalake si Laude.

LATEST