DOJ: Paggawad ng pardon kay Pemberton, saklaw ng Konstitusyon

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Convicted US Marine Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton

Ipinahayag ng Department of Justice (DOJ) noong Setyembre 8 na ang paggawad ng absolute pardon kay US Marine Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton ay nasa kapangyarihan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ang only condition required ng Constitution, ‘yung bibigyan ng pardon has been convicted by final judgment,” ani DOJ spokesperson Undersecretary Markk Perete.

Bagama’t hindi nag-apply para sa pardon si Pemberton, sinabi ni Perete na nasa kapangyarihan ni Duterte ang maggawad nito.

Aniya, “While there is a normal procedure, ‘yung procedure na ‘yung hindi nangangahulugan na hindi puwedeng mag-grant ng pardon ang pangulo on his own.”

Ang nasabing pardon ay binigay ni Duterte kay Pemberton noong Setyembre 7, habang nagpaplanong hamunin ng pamahalaan ang inilabas na kautusan ng isang korte sa Olongapo na nag-utos sa maagang pagpapalaya kay Pemberton dahil sa good conduct matapos itong ma-convict dahil sa pagpatay sa Pilipinang transgender na si Jennifer Laude. 

Ikinagulat ng kampo ni Pemberton ang desisyon ni Duterte na ikinagalit naman ng pamilya Laude at mga sumalungat sa desisyon ng korte.

Ipinaliwanag ni Perete na sa usual na proseso, ang aplikasyon para sa pardon ay dadaan muna sa Board of Pardons and Parole bago iakyat sa DOJ. Ie-endorse naman ito ng DOJ sa Office of the President.

Aniya, “But that doesn’t mean na ‘yung Pangulo mismo is precluded from granting pardon even without an application. And, in this case, I think walang application na ginawa but the President, based on his appreciation of the fact and the argument, decided to give pardon on his own.”

Ayon kay Perete, kung nasunod naman ang nakasaad sa Saligang Batas, hindi na dapat kwestyunin ang paggawad ng pardon.

“I think the proceedings in so far as the case is concerned has been terminated. In fact, Pemberton was convicted,” ani Perete.

Si Pemberton ay hinatulan noong Disyembre 2015 ng anim hanggang sampung taong pagkakakulong dahil sa pagpatay kay Laude sa isang hotel sa Olongapo noong 2014. Inamin nitong sinakal niya si Laude matapos mapag-alamang lalake ito habang nagsasagawa ang dalawa ng pribadong aktibidad.

Ang absolute pardon kay Pemberton ay magbubura sa kanyang criminal liability, magbabalik ng kanyang civil at political rights, at magpapahintulot para ibalik ang mga ipinabayad na danyos para sa ginawa niyang krimen. Siya ay nagbayad ng aabot sa P4 milyong danyos sa pamilya Laude.

LATEST