Duterte: PH, bibili ng Covid-19 vaccine sa alin mang bansang mag-aalok nito sa murang presyo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Handa na ang Pilipinas na bumili ng murang bakuna Covid-19 sa anumang bansang mag-aalok nito, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Aniya, “Kung sino lang ang mauna magbigay sa atin ng mura, dun tayo pupunta.”

“Kung mahal masyado, we will go to the less expensive ones (doon tayo sa mura),” dagdag pa ng pangulo.

Iginiit naman nito na walang bakunang pangit ang kalidad.

Ayon naman kay Department of Health (DOH) spokesperson Maria Rosario Vergeire, patuloy na makikipagpulong ang pamahalaan sa mga vaccine manufacturers mula sa buong mundo, kabilang ang US-based firms na Pfizer at Moderna, pati na rin ang Australian company na CSL Limited.

Nauna ring kinumpirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque na lalahok ang bansa sa Phase 3 clinical trial ng Sputnik V, na popondohan ng Russia. Tinatayang nasa 1,000 katao ang pipiliin sa ilang mga lugar na may mataas na Covid-19 transmission para mapabilang sa medical experiment.

May  ₱10 bilyong standby fund naman ang bansa para sa Covid-19 vaccines at testing sa ilalim ng ipinapanukalang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.

Inaasahang pipirmahan ni Duterte ang Bayanihan 2 sa susunod na linggo upang matulungan ang pamahalaan na ibangon ang ekonomiya ngayong panahon ng pandemiya.

Idineklara rin ng pangulo noong Setyembre 7 na “na-flatten na ang Covid-19 curve” ng bansa, at pinuri ang mahalagang papel na ginampanan ng mga lokal na opisyal sa paglaban sa pandemiya.

Batay sa datos noong Setyembre 7, umabot na sa 238,727 ang bilang ng Covid-19 cases sa bansa kung saan 49,931 ang active cases.

LATEST

LATEST

TRENDING