Duque: Mga kaso ng Covid-19 sa NCR, bumababa na

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Health Secretary Francisco Duque III

Ang National Capital Region (NCR), kung saan matatagpuan ang mahigit kalahati ng Covid-19 cases sa bansa, ay nakapagtala ng pagbaba sa bilang ng mga panibagong impeksyon sa nakalipas na dalawang linggo, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.

Sa pagpupulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) at ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Setyembre 7, sinabi ni Duque na lahat ng 16 na mga lungsod at isang munisipalidad sa Metro Manila ay nakapagtala ng mas maliit na bilang ng mga panibagong kaso sa nakalipas na 14 na araw.

Kung ihahambing ang datos mula Agosto 10 hanggang 23, at datos mula Agosto 24 hanggang Setyembre 6, makikita aniyang bumaba nang 30 percent ang mga panibagong impeksyon.

Aniya, “Bumaba po siya ng 10,523, the difference between 35,040 cases (mula Aug. 10 hanggang Aug. 23) and 24,517 (mula Aug. 24 hanggang Sept. 6).”

Ayon sa kalihim, ang pagbabang ito ay dahil sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na higpitan ang quarantine protocols sa rehiyon noong unang bahagi ng Agosto.

Mula Agosto 4 hanggang 18, isinailalim ni Duterte ang Metro Manila at apat na karatig-lalawigan pabalik sa modified enhanced community quarantine alinsunod sa panawagan ng medical community para sa “timeout.”

“Ako po ay nagpapasalamat dahil kung hindi po sa inyong MECQ ay baka hindi po natin nakamit itong malaking porsyento ng pagbaba ng kaso sa mga naturang lugar ng NCR (National Capital Region),” ani Duque kay Duterte.

Batay sa datos ng Department of Health (DOH), umabot sa kabuuang bilang na 132,350 Metro Manila residents ang nahawa ng Covid-19. Sa bilang na ito, 25,498 o 19 percent ang active cases, matapos makapagtala ang NCR ng 104,943 recoveries at 1,909 deaths.

Dahil sa pagbuti ng sitwasyon sa Kamaynilaan, nakapokus naman sa ngayon ang IATF sa ibang mga lugar na nagkakaroon ng surge sa Covid-19 cases. Kabilang dito ang Bacolod City, Iloilo City, at General Santos City, ayon naman Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Sa kanyang talumpati, sinabi naman ni Duterte na may plano siyng bumili ng mga bakuna mula sa kahit anong international company na mag-aalok ng murang Covid-19 vaccine, dahil pareho naman umano ang epekto ng mga bakuna na gagawin ng iba pang mga bansa.

“Kung sino ang mauna na magbigay sa atin ng mura, doon tayo pupunta,”ani Duterte.

Unang sinabi ni Health spokesperson Maria Rosario Vergeire na patuloy na makikipagpulong ang Pilipinas sa mga vaccine manufacturers sa lahat ng bahagi ng mundo, kabilang ang US-based firms na Pfizer at Moderna, pati na rin ang Australian company na CSL Limited.

Nabanggit din ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong nakaraan na lalahok ang bansa sa Phase 3 ng Sputnik V, na popondohan ng Russia. Tinatayang 1,000 katao ang pipiliin sa piling lugar na may mataas na Covid-19 transmisson para lumahok sa medical experiment.

LATEST

LATEST