DSWD, tiniyak ang patuloy na distribusyon ng SAP

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang patuloy na distribusyon ng ayuda mula sa social amelioration program (SAP) ng pamahalaan kasabay ang pag-apela sa publiko para sa pag-unawa dahil sa pagkaantala sa pamahahagi nito bunsod ng dumaraming bilang ng mga empleyado nitong nagpopositibo sa Covid-19.

Ayon kay DSWD Undersecretary Rene Glen Paje noong Setyembre 5, bagama’t patuloy pa rin ang banta ng nakamamatay na sakit, ipinapangako ng pamahalaan na tuloy pa rin ang pamamahagi ng ayuda.

Aniya, “Sa kabila ng banta ng Covid, patuloy pa rin nating binibigyan ng pansin yung pamamahagi lalung-lalo na kasalukuyang itong SAP, kaya nga may mga proseso tayo na kailangang pagdaanan, may mga hamon tayong na dapat malampasan.”

Bagama’t hindi nakapagbigay si Paje ng eksaktong bilang ng mga SAP personnel na nahawa sa Covid-19, sinabi nitong maraming DSWD staff na kabilang sa SAP distribution ang nagka-Covid-19 kaya naparalisa ang normal nitong operasyon.

“Isa po ito sa mga dahilan kung bakit ingat na ingat tayo sa pagbibigay, pagpunta o paggawad ng tulong sa ating mga mga mamamayan,” ani Paje.

Dagdag pa ng opsiyal,”Marami-rami na rin po yung na-infect ng Covid sa atin at gayon din po mas marami rin po yung nasa quarantine.”

Binanggit din ni Paje na binibigyan ng assistance at benepisyo ang mga SAP personnel na nahawa sa Covid-19 depende sa kanilang pangangailangan, kabilang ang personal protective equipment (PPE), food packs, financial at medical assistance, pati na rin ang psychosocial services.

Siniguro naman nitong sumusunod ang DSWD sa government health protocols para tiyaking ligtas ang SAP frontliners.

“Ang DSWD naman ay nagbibigay ng kaukulang suporta sa ating mga kawani na exposed dito sa Covid-19 pandemic,” giit ni Paje.

May mga naging pagbabago naman aniya sa normal na operasyon ng SAP distribution dahil sa pagkakasakit ng ilan nitong personnel sa Covid-19.

Aniya, “Hindi tulad nung normal na operation natin, eto po ay nag-iingat tayong husto kung kaya’t iniiskedyul natin ng mabuti kung sino yung mga dapat tumulong sa pagbibigay ng ayuda, tinitingan natin na yung iba ay dapat ma-quarantine kung sila ay exposed, tinitingnan natin kung sino yung dapat ma-swab.”

Paliwanag ni Paje,”Kung kaya’t yung normal workforce ay hindi iyon yung talagang nagagamit natin sa pamimigay ng ayuda, bawas sa mga tao.”

Tinatayang nasa 13.7 milyong benepisyaryo na ang nabigyan ng ayuda, dagdag pa ng opisyal.

Bukod sa SAP, ipinatutupad din ng ahensya ang iba pang mga regular na programa sa buong bansa tulad ng assistance to individuals in crisis situations (AICS), feeding program para sa mga bata, Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at social pension para sa indigent senior citizens.

“Makakasigurado po kayo na itong mga kawani ng DSWD ay hindi nagpapahinga at pilit na tinatapos ang pamimigay ng ayuda na ito,” diin ni Paje.

LATEST

LATEST

TRENDING