Roque: Pag-imbestiga sa blacklisted companies ng DBM, ‘premature’ pa

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Ipinahayag ng Malacañang noong Setyembre 3 na “premature” o maaga pa na sabihing paiimbestigahan ng pamahalaan ang tatlong blacklisted na mga kumpanya ng Department of Budget and Management (DBM), na nakakuha ng kasunduan para mag-suplay sa gobyerno ng personal protective equipment (PPE).

Ito ay matapos maiulat na ang Ferjan Health Link Enterprises, Cebu business Materials Trading Co., Inc., at Jozeth Trading ay nakakuha ng P727 milyong halaga ng PPE at iba pang medical supplies sa procurement bagama’t blacklisted na ang mga ito ng DBM.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi pa siya makakapagkomento dahil kamakailan niya lamang ito nalaman.

Aniya, “Hindi ko po alam kung questionable iyan kaya nga po tatanungin natin ang DBM ‘no, kasi hindi ko pa po naririnig kung ano ang explanation galing sa DBM.”

Tatanungin muna niya ang DBM para ipaliwanag ang isyu bago magbitiw ng komento.

“I think it’s premature to say we’re investigating. I will just clarify kung totoo, first and foremost, na P750 million worth of PPE ay na-award sa isang blacklisted company. And if so, bakit at ano ang dapat gawin,” ani Roque.

Sinabi naman nitong hindi makalulusot ang anumang paglabag sa Commission on Audit (COA).

“Sa aking tingin naman, kung talagang mayroong paglabag sa batas ay ipa-flag din po iyan ng Commission on Audit,” dagdag pa ng tagapagsalita ng pangulo.

Isang ulat mula sa Inquirer.net ang nag-quote kay DBM spokesperson, Assistant Secretary Rolando Toledo, nang sinabi nitong ang mga blacklisted entities ay hindi maaaring lumahok sa kahit anong “bidding activities of the government for the period of blacklisting (ng pamahalaan sa kahabaan ng blacklisting).”

Dagdag pa ni Toledo, kabilang sa blacklisting rule ang lahat ng bidding ng pamahalaan, pati na rin ang mga nasa ilalim ng Bayanihan 1 kung saan ipinatupad ang emergency procurement.

LATEST