Panibagong batch ng mga papauwiing LSIs, itatakda ng pamahalaan sa susunod na linggo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: George Calvelo, ABS-CBN News

Itatakda ng programang Hatid Tulong ng pamahalaan sa susunod na linggo ang panibagong alon ng mga magsisipag-uwiang locally stranded individuals (LSIs) sa kani-kanilang mga lalawigan, ayon sa isang opsiyal noong Setyembre 5.

Ito ay matapos maiulat na mahigit 400 LSIs na nananatili sa labas ng Libingan ng mga Bayani sa Taguig City habang naghihintay na makabiyahe, ang ibinalik sa kanilang mga tinutuluyang transient homes sa Metro Manila.

“Tutukuyin din namin ang mga rehiyon at mga probinsya kung saan ang mga LSI ay aming pauuwiin para naman mapaayos namin ang pag send-off sa kanila dahil ito na po ay sa napag-ayunan ng mga LGUs at technical working group kung ano ‘yung petsa sila tatangap ng kanilang kababayan,” giit ng lead convenor ng Hatid Tulong na si Assistant Secretary Joseph Encabo.

Ayon sa opisyal, nasa 2,400 hanggang 2,500 na mga LSIs ang nagparehistro para sa programa at ngayo’y naghihintay na makauwi.

Umapela naman si Encabo sa mga LSIs na makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga local government units (LGUs) sa halip na magtungo agad sa send-off areas at maghintay sa kalye.

“Ang panibagong proseso namin para ma-validate ang isang LSI ay ‘yung LSI mismo ang kokontak sa LGU nila kung saan sila uuwi sa pamamagitan ng kanilang kamag-anak o kaibigan o barangay officials na ‘yung pangalan nila, numero at complete address ay isusumite sa receiving LGUs whether provincial o city,” paliwanag ni Encabo.

Ito ay upang mapigilan ang pagkukumpol-kumpol ng mga tao sa ilang lugar, pagset-up ng mga tents, at pagsuway sa physical distancing protocol habang naghihintay na makauwi.

Magbibigay naman aniya ang mga LGUs ng consolidated at validated list ng kanilang mga LSIs.

“Kami na rin po ang tatawag sa mga LSI na nandito na sa Kamaynilaan kapag na-set na ang kanilang pag-uwi para ‘di nagdadagsaan, ‘di nagpupuntahan sa mga lugar na hindi naman dapat pupuntahan,” ani Encabo.

Noong Setyembre 4, binanggit ni Encabo na tinatayang 440 na mga LSIs na pansamantalang nananatili sa labas ng Libingan ng mga Bayani ay ibinalik sa mga dati nilang tinitirhan sa Metro Manila sa tulong ng pulis.

Aniya, “Ang Libingan ng mga Bayani, hindi po siya ang tanggapan ng Hatid Tulong initiative. Nataon lang na ito ay naging send-off area noong nakaraang buwan at ang mind set po ng ating LSI doon sila pupunta para matulungan.”

Dismayado rin ang opisyal dahil ang ilang mga dating LSI pa ang naghikayat sa iba na magtungo sa lugar.

Ilan sa mga natulungan nila Encabo ay mga indibidwal na nag-a-apply para sa overseas employment. Ayon kay Encado, ibinalik nila ang mga ito sa kani-kanilang mga agencies kung saan sila pansamantalang maninirahan habang hinihintay ang pagbiyahe pabalik sa kani-kanilang mga lalawigan.

Tiniyak naman ng Hatid Tulong na kukunin ang contact information ng lahat ng LSIs at ikokonsolida rin ang mga detalye ng mga ito upang matukoy kung saan sila tutungo alinsunod sa muling pag-arangkada ng mga biyahe sa ilalim ng programa.

“Sana po antayin n’yo ‘yung tamang abiso at instructions at kailan po ang proper sendoff. Nasa amin naman po mga impormasyon ninyo,” wika ni Encabo.

LATEST