PH, nasa ‘maling trend’ kung hindi mag-flatten ang Covid-19 curve sa susunod na linggo: UP expert

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: George Calvelo (ABS-CBN News)

Susunod sa “maling trend” ang Covid-19 curve ng Pilipinas kung hindi ito magfa-flatten sa susunod na linggo, ayon sa miyembro ng interdisciplinary research group mula University of the Philippines (UP) noong Agosto 31.

Ang Covid-19 reproduction rate — o ang bilang ng taong infected ng bawat taong may dalang coronavirus — ay nasa 1.1, ayon kay Dr. Guido David ng UP OCTA Research Team. Ang reproduction rate na mas mataas sa “1” ay nangangahulugang patuloy ang paglaganap ng sakit. Kung mas mababa naman dito, ito ay dahan-dahan nang humuhupa.

Noong nakaraang linggo, bumaba ito sa 1 subalit nag-spike muli dahil sa pagtaas sa bilang ng transmissions, dagdag pa ni David.

Nakikita ng mga eksperto ang isang “surge” ng infection sa gitnang bahagi ng bansa tulad ng Bacolod, Iligan at Iloilo, kung saan maaaring nakompromiso ang quarantine protocols ng mga umuuwing residente.

Bumababa naman ang mga kaso sa Metro Manila at Calabarzon matapos ipatupad ang dalawang linggong lockdown noong Agosto.

“Last week, parang flattened na nga tayo tapos kumembot ulit, tumaas nang kaunti ang reproduction number… Pero puwedeng short term lang iyan so inaasahan nating bababa ulit ang reproduction number to less than 1,” ani David.

Dagdag pa ng eksperto, “Kung hindi pa siya mag-flatten by next week, ibig sabihin nasa maling trend na ulit tayo.”

Unang naging prediksyon ng UP OCTA Research Team na mafa-flatten ng bansa ang Covid-19 curve nito sa dulo ng Agosto o di kaya ngayong buwan.

Pag-aaralan pa rin ng mga eksperto kung paano nakakapagdulot ng impeksyon ang mga kabubukas lamang na salons, barbershops at gyms. Ang mga nagdaang impeksyon ay nangyari sa mga opisina at pampublikong sasakyan, paglilinaw ni David.

Batay sa datos noong Setyembre 1, umabot na sa 224,264 ang Covid-19 cases sa bansa kung saan 62,655 dito ang aktibo.

LATEST

LATEST

TRENDING