Lacson: Sibakin si Duque sa halip na bigyan ng emergency powers si PRRD

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Sen. Panfilo Lacson

Tinanggihan ni Sen. Panfilo Lacson noong Setyembre 4 ang plano ng Kamara na bigyan ng emergency powers si Pangulong Rodrigo Duterte para ayusin ang mga anomlaya sa Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth), at sinabing mas makabubuti umano kung tatanggalin na lang sa puwesto si Health Secretary Francisco Duque III, na siya ring board chair ng PhilHealth. 

Aniya, “Emergency powers to reorganize Philhealth? Try real, honest-to-goodness, strong political will first. For a start, fire its ex-officio chairman.”

No matter how good our country’s economic managers are, if our health department is below the level of incompetence in the middle of this pandemic, we will all sink before we can even start to swim (Kahit gaano man kaganda ang panukalang pang-ekonomiya ng bansa, kung pangit ang health department ngayong pandemiya, lulubog tayo bago pa man makalangoy),” giit ni Lacson.

Isa si Lacson sa 17 na mga senador na naunang pumirma ng resolusyon para hikayatin si Duque na bumaba sa puwesto dahil sa pagkukulang nito sa pag-isolate ng mga taong nakasalamuha ng mga unang Covid-19 carriers sa bansa, at sa hindi pag-preposition ng medical supplies na nagresulta sa panglilimos ng mga health workers ng mga donasyon sa kasagsagan ng pandemiya.

Sinuportahan naman ni Duque ang panukala ng Kamara na pabilisin ang reporma sa PhilHealth, kung saan naging bahagi ito ng board sa halos dalawang dekada.

Patuloy namang tinatanggihan ng pangulo ang panawagan na sibakin si Duque.

Para naman kay Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, “Kung seryoso talaga silang ayusin ang PhilHealth at tugunan ang COVID, sibakin nila si Duque at sampahan ng kaso ang mga nasa likod ng overpricing ng test kits, testing machines, at ng bilyong binulsa sa PhilHealth ng Mindanao mafia.”

“‘Yan ang solusyon, hindi emergency powers,” dagdag pa ng senador.

Ipinahayag naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi makakapasa sa Senado ang mungkahi ng Kamara sapagkat maaari naman aniyang ireporma ni Duterte ang PhilHealth kahit walang emergency powers mula sa Kongreso.

Sa ilalim ng batas, maaari lamang magawaran ng emergency powers ang pangulo kung sasang-ayon dito ang dalawang kapulungan ng Kongreso.

LATEST

LATEST

TRENDING