Pamahalaan, puwede pang umapela laban sa maagang paglaya ni Pemberton

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Joseph Scott Pemberton
Larawan mula sa: Olongapo City Police

Maaaring iapela ng pamahalaan ang maagang pagpapalaya sa isang US Marine na convicted sa pagpatay ng isang Pilipinang transgender noong 2014, pahayag ng Malacañang noong Setyembre 3, kasabay nang pag-anunsyo ng ahensyang in charge sa kustodiya ni Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na ipagpapaliban muna nito ang implementasyon ng kautusan tungkol sa pagpapalaya sa Amerikano.

“Judicial overreach” aniya ang ginawa ng isang korte sa Olongapo sa pagdeklara kay Pemberton, na nahatulan ng anim hanggang sampung taong pagkakabilanggo dahil sa pagpatay kay Jennifer Laude, na maaari na itong lumaya, pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nagsilbing abogado para sa pamilya Laude.

Noong Setyembre 1, binigyan si Pemberton ng early release ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 74, dahil eligible na umano itong makalaya bunsod ng pribilehiyong ibinigay ng isang batas na layong paikliin ang pagpapakulong dahil sa good conduct.

“Sa mga naghahawak po sa pagkatao ni Pemberton, hayaan niyo naman, bigyan niyo ng pagkakataon na mag-move for reconsideration ang executive branch dahil ang desisyon naman po for allowance for good conduct is an executive function,” ani Roque.

Ayon sa tagapagsalita ng pangulo, ang maaagang pagpapalaya kay Pemberton ay magpipinta ng hindi magandang imahe dahil ipinapakita nito ang pagwawalang-bahala sa buhay ng Pilipino, sapagkat ang pagkamatay ni Laude ay maituturing umanong “symbolic death” sa soberanya ng Pilipinas.

Aniya, “Parang pinapakita na hindi mahalaga ang buhay ng Pilipino.”

Samantala, Ayon naman kay Gabriel Chaclag, spokesperson ng Bureau of Corrections (BuCor), natanggap na ng ahensya ang kautusan ng korte hinggil sa pagpapalaya kay Pemberton.

Subalit, naka-hold muna ang implementasyon nito habang hinihintay pa ang resulta ng motion for reconsideration na inihain ng pamilya Laude.

Nakatanggap din si Roque ng impormasyon mula kay BuCor chief Gerald Bantag na hindi pa ipoproseso ang paglaya ni Pemberton, alinsunod sa payo ng Department of Justice, habang hinihintay pa ang resolusyon ng apela.

“Wag niyo muna palalabasin po dahil hindi pa naman final and executory ang desisyon na yan. Pwede pa po mag-motion for reconsideration ang Republika ng Pilipinas,” giit ni Roque.

Sumiklab ang malawakang protesta sa pangunguna ng transgender rights activists matapos aminin ng sundalong Amerikano na sinaktan niya at sinakal si Laude matapos mapag-alamang lalake pala ito habang nagsasagawa ng pribadong aktibidad ang dalawa.

Sinabi naman ang isang forensic pathologist na asphyxia ang ikinasawi ni Laude.

Bukod sa pagkakabilanggo, ipinag-utos din ng hukuman kay Pemberton na bayaran ang pamilya ng biktima ng P4 milyong danyos. Sinang-ayunan naman ng Court of Appeals ang hatol sa sundalong Amerikano noong 2017.

Ipinapakita sa Sept. 1 court order na binayaran na ni Pemberton nang buo ang pamilya Laude sa halagang P4.65 milyon noong Agosto 25, 2020.

LATEST

LATEST

TRENDING