NYC chair, humingi ng paumanhin dahil sa kanyang billboard ad

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Cliff Barizo, Jr. (Facebook)

Humingi ng tawad si National Youth Commission (NYC) chairperson Ryan Enriquez noong Setyembre 2 matapos itong umani ng pambabatikos mula sa mga netizens dahil sa pag-viral ang isang ipinaskil na billboard adverstisement tungkol sa Covid-19 protocols na naglalaman ng kanyang larawan.

Ayon sa ilang netizens, paraan daw ito ng opisyal para mangampanya para sa susunod na halalan.

Ibinahagi ng Facebook user na si Cliff Barizo Jr. ang mga larawan ng NYC advertisement na ipinaskil sa entrance ng Ayala Malls Feliz in Pasig City at naglagay ng caption na: “On a scale of 1 to 10, gaano ka-epal ang National Youth Commission Chairperson?”

Depensa ni Enriquez, layunin niya lamang tumulong sa pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa Covid-19.

Sa ngayon, tinanggal na ang nasabing billboard.

“Ang objective ko lang naman ay makatulong para sa information dissemination, lalo na ngayon nabawasan ang major network na nagbabalita. Ang pagkakamali ko, ang laki ng mukha ko. Pasensya na,”ani Enriquez.

Iginiit naman ni Enriquez na walang perang inilabas ang NYC para sa pagpapaskil ng naturang billboard.

Aniya, “Walang ginastos ang NYC kahit isang sentimo, negosyo ng pamilya namin yun.”

Samantala, isang naunang Commission on Audit (COA) report naman ang nagbunyag tungkol sa overspending ng youth commission matapos itong bumili ng Filipiniana costumes na nagkakahalaga ng ₱3,430 bawat isa para sa mga empleyado nitong lumahok sa cultural exchange program noong 2019.

Batay sa General Appropriations Act of 2019, sinabi ng COA na ₱1,500 lamang ang maaaring gamitin ng bawat empleyado para sa procurement ng uniform o costume bukod sa iba pang mga gastusin sa cultural at athletic activities.

Ayon naman sa NYC, sa mga local events lamang sumasaklaw ang nasabing probisyon sa ilalim ng 2019 GAA.

Pinabulaanan ito ng COA at sinabing sa parehong local at international events ito sumasaklaw.

LATEST

LATEST

TRENDING