Gierran: Emergency powers para kay PRRD upang malinis ang PhilHealth, ‘napakaganda’

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
PhilHealth President at CEO Dante Gierran

Ipinahayag ng bagong pinuno ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na makatutulong sa paglilinis ng ahensya ang pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Aniya, “Maganda ‘yan… Napakaganda.”

Noong Setyembre 2, inirekomenda ni House of Representatives Committee on Public Accounts chair Mike Defensor ng Anakalusugan Partylist na “kumikiling” ang komite na bigyan ng emergency powers ang pangulo para ireporma ang PhilHealth, matapos itong mabalot sa maraming anomalya.

Kahit na may panukala mula sa Kamara, iginiit ni Gierran na gagawin pa rin niya ang kanyang makakaya para linisin ang kurapsyon sa loob ng korporasyon.

“Mayroon akong mandato sa Presidente to eradicate corruption in PhilHealth, at imbestigahan kung sino at ano ang source ng corruption,” ani Gierran.

Samantala, iginiit naman ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hindi kinakailangang magbigay ng emergency powers kay Duterte, dahil may kakayanan naman umano itong lutasin ang problema sa PhilHealth.

Ayon kay Sotto, tatalakayin muna niya at ng kanyang mga kapwa senador ang nasabing panukala partikular na kung maglalaman ito ng mga kapangyarihang wala sa kasalukuyang kapangyarihan ng pangulo.

“Anong klaseng emergency powers ‘yung ibibigay pa, idadagdag mo na hindi niya kayang gawin ngayon? Kung merong makikita tayo na hindi niya kayang gawin ngayon, in order to, let’s say revamp, reorganize, or whatever he can do sa PhilHealth, then yes, by all means, let’s give it to him,” paliwanag ni Sotto.

Dagdag pa niya, “Pero kung nandoon naman sa mga powers niya, bakit pa?”

Ipinagkibit-balikat naman ni Gierran ang mga pumupuna sa kanya dahil sa pag-amin niyang wala siyang kaalam-alam sa public health.

“Hayaan niyo sila, yung nagco-comment, it is their right… I admit, ano ba’ng alam ko sa public health? Of course, aaralin ko ‘yan… Alangan naman sabihin ko alam ko na hindi ko alam?”giit ni Gierram.

Ayon sa PhilHealth chief, puwede naman siyang sumangguni sa mga eksperto kabilang na ang kanyang pinalitan na si resigned PhilHealth chief Ricardo Morales kung ano ang gagawin.

Idiniin din nitong hindi niya ipahihinto ang imbestigasyon at ang posibleng pagsasampa ng mga kaso laban sa mga sangkot sa katiwalian.

“I cannot stop evidence… kaibigan o hindi kaibigan, pareho lang ang treatment. You have to gather facts… What matters most is kung ano ng sasabihin ng ebidensya. Hindi natin tinitignan ang tao….kung titignan natin ang tao, anong mangyayari sa objectivity natin?” pagdidiin nito.

LATEST

LATEST

TRENDING