PRRD, suportado pa rin si Duque bagama’t kakasuhan na ito

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte at Health Secretary Francisco Duque III

Patuloy pa ring sinusuportahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Health Secretary Francisco Duque III, ayon sa Malacañang noong Setyembre 2 kahit inirekomenda na ng mga senador ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa kalihim kaugnay ng mga anomalya sa PhilHealth.

Inirekomenda ng mga senador noong Setyembre 1 ang pagsasampa ng kasong graft at malversation laban kay Duque, resigned PhilHealth president Ricardo Morales, at iba pang executive officers ng insurance agency dahil sa mga alegasyon ng maanomalyang mga transaksyon sa loob ng PhilHealth.

Bagama’t may rekomendasyon, hihintayin pa rin ni Duterte ang desisyon ng multi-agency investigation tungkol sa mga umano’y katiwalian sa PhilHealth bago ito magpasya hinggil sa kapalaran ng mga opisyal na sangkot dito, pahayag naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Aniya, “Si Presidente naman po ay nagtitiwala pa rin kay Secretary Duque pero antayin po natin ang rekomendasyon ng task force dahil kung meron din ganyang rekomendasyon ang task force ay rerespetuhin din ng Presidente ang rekomendasyon.”

Paulit-ulit na dinipensahan ng pangulo si Duque mula sa mga kritiko nito. Noong unang bahagi ng taon, tinanggihan din ni Duterte ang naging panawagan ng ilang mga senador tungkol sa resignasyon ni Duque dahil umano sa kakulangan nito sa pamumuno ng Covid-19 response ng bansa.

Subalit, noong nakaraang buwan, ipinag-utos ng pangulo ang pagbubuo ng isang multi-agency task force sa pangunguna ng Department of Justice upang paimbestigahan ang PhilHealth kung saan si Duque ang nagsisilbi bilang board chairman, matapos umalingawngaw ang akusasyon ng kurapsyon laban sa mga opisyal ng ahensya.

Ayon sa Malacañang, inaasahan nitong tatapusin ng task force ang imbestigasyon sa Setyembre 14 at isusumite ang findings at mga rekomendasyon nito kay Duterte sa parehong buwan.

“Kaya po ang Presidente, dahil binuo naman niya ang task force, ay susundin niya ang rekomendasyon…” ani Roque.

LATEST

LATEST

TRENDING