Malacanang, dinipensahan ang appoinment ni Gierran bilang pinuno ng PhilHealth

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
PhilHealth chief Dante Gierran

Si bagong PhilHealth chief Dante Gierran ang nararapat na mamuno sa PhilHealth, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque bilang pagdepensa sa dating direkor ng National Bureau of Investigation.

“Dahil ang mga krimen na nagagananap sa PhilHealth ay ang tinatawag na white-collar crimes, kinakailangan nakakaintindi rin ng financial reports at balance statements. I think Director Gierran is the best choice dahil siya ay CPA (certified public accountant) at lawyer din po na meron pang experience in criminal investigation,” giit ni Roque.

Dagdag pa nito, “Wala naman po siyang bahid ng kurapsyon.”

Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Gierran noong Agosto 31 para pamunuan ang PhilHealth matapos magbitiw si dating PhilHealth president at CEO Ricardo Morales dahil sa iniindang karamdaman.

Ayon kay Roque, kwalipikado si Gierran dahil may pitong taon itong management experience – bagamag’t hindi sa larangan ng health insurance.

Ang kanyang kaalaman umano sa finance kasama na ang pagiging bihasa sa imbestigasyon ang kailangan para malinis ang PhilHealth, dagdag pa ng tagapagsalita ng pangulo.

Si Gierran ang unang NBI director na itinalaga ni Duterte nang maupo ito bilang pangulo noong 2016. Nagretiro ang 65-anyos na opisyal noong Pebrero alinsunod sa  mandatory retirement. Nagsilbi rin ito bilang NBI regional director ng Davao.

Ilan sa mga unang kautusan ng pangulo kay Gierran ay ang pag-reshuffle sa mga opisyal ng PhilHealth, kabilang ang regional vice presidents, para maputol ang mga ugnayan na posibleng nagbibigay daan sa mga iregularidad. Kaparehong utos din ang ibinigay sa Bureau of Customs.

Ayon naman kay Rey Balena, communications manager ng PhilHealth, kinikilala ng ahensya ang pagkakatalaga kay Gierran dahil mabibigyan umano nito ng “stability” at direksyon ang organisasyon sa mga layunin nitong reporma.

Ipinagtanggol din ng ilang mga mambabatas si Gierran, kabilang na si Senate President Tito Sotto III na nagsabing “very good choice” ang appoinment ng dating NBI director.

Para naman kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson, ang bagong pangulo ng PhilHealth ay hindi mahihirapang makipag-ugnayan sa ginawang task force para paimbestigahan ang mga anomalya ng korporasyon.

Idiniin naman ni Sen. Ralph Recto na kinakailangan ni Gierran ng multidisciplinary team para habulin ang umano’y PhilHealth mafia at maibunyag ang mga krimen nito.

Sinabi naman ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan na mayroon siyang “seyosong agam-agam” tungkol sa appointment ni Gierran dahil sa kanyang kawalan ng experience sa public health tulad ni Morales.

LATEST

LATEST

TRENDING