Army, binawi ang rekomendasyon para sa pagpapatupad ng batas militar sa Sulu

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Ben Ajan (EPA)

Binawi ng Philippine Army ang nauna nitong rekomendasyon na pagpapasailalim ng buong lalawigan ng Sulu sa batas militar matapos ang naganap na dalawang pagsabog sa Jolo, Sulu noong nakaraang linggo.

Sa isang pahayag noong Agosto 30, sinabi ni Army chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana na binabawi na niya ang kanyang naunang mungkahi dahil “baka may mga iba pang opsyon” para solusyunan ang problema tungkol sa seguridad ng lugar.

I drop my recommendation for (martial law) declaration over Sulu despite the turmoil as there might be other better options (Binabawi ko ang aking rekomendasyon para sa deklarasyon ng batas militar sa Sulu bagama’t magulo rito dahil baka may iba pang mga opsyon na mas mabuti),” ani Sobejana.

Iginiit din ng Army chief na iginagalang niya ang tindig ng pamahalaang nasyonal at ang damdamin ng publiko at sinabing may mga napagtagumpayan na hinggil sa mga ipinatutupad na mga hakbang tungkol sa seguridad sa mga nakalipas na taon.

Kabilang na rito ang pagsugpo sa ilang mga lider ng Abu Sayyaf  Group, dagdag pa ni Sobejana.

Bukod sa Army, nauna ring ipinahayag ng Philippine National Police ang pagsang-ayon sa pagpapatupad ng batas militar sa buong Sulu matapos ang dalawang pagsabog noong nakaraang linggo na ikinasawi ng 15 katao, na kinabibilangan ng mga sundalo at sibilyan.

Subalit, idiniin naman ni Armed Forces of the Philippines chief Lt. Gen. Gilbert Gapay na dapat magpatupad ng agarang mga hakbang para masugpo ang mga nagbabanta laban sa seguridad ng lugar.

It (martial law) remains as an option to us but for now what is important are actions, measures that can be immediately implemented and executed. Because you know martial law it should pass through legislative, congressional approval and that would take time (Nananatiling opsyon sa amin ang batas militar subalit ang mahalaga sa ngayon ay ang agarang pagpapatupad ng mga hakbang. Dahil kinakailangang aprubahan pa ng Kongreso ang batas militar at baka magtagal ito),” paglilinaw ni Gapay.

Ilang mga mambabatas din ang tumanggi sa ideya ng batas militar sa Sulu dahil may umiiral na umanong “malakas” na batas kontra terorismo – ang bagong kapapasang Anti-Terrorism Act of 2020.

Ang buong Mindanao ay unang isinailalim sa batas militar noong Mayo 2017, matapos ang Marawi siege sa Lanao del Sur. Muli itong pinalawig ng Kongreso ayon sa kahilingan ni Pangulong Rodrigo Duterte at tuluyang nagwakas ang batas militar sa Mindanao noong Disyembre 31, 2019.

LATEST

LATEST

TRENDING