SAP beneficiaries, nagpalipas ng magdamag para kumuha ng ayuda

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Fred Cipres, ABS-CBN News

Nagpalipas ng gabi sa kalye ng Gate 2, Antipolo City, Rizal ang ilang mga benepisyaryo ng ikalawang bugso ng social amelioration program ng pamahalaan.

Ilan sa mga ito ang pumila na 7 P.M. pa lang ng Biyernes, Agosto 28, sa tapat ng remittance center. Ang ilan ay naglatag na ng karton at sa bangketa na natulog.

Nalimutan na rin ang social distancing dahil nagkadikit-dikit sa pila bunsod ng pangambang baka masingitan.

Limitado lamang umano ang natutugunan ng nasabing remittance center, kung saan hanggang 90 na mga benepisyrayo lamang aniya ang napaglilingkuran.

Kaya naman, pabalik-balik sa nabanggit na remittance center ang ilang mga benepisyaryo tulad ni Maria Carmelita Nagat.

Aniya, “Hindi lang siguro napag-isipan ng maigi dahil sa dami ng recipients. Mahirap, lahat naman ata kailangan paghirapan bago mo matanggap. Ok lang kahit tatlong araw nang pabalik balik.”

Ayon kay Nagat, ikatlong beses na niyang pumunta sa remittance center para lamang makakuha ng ayuda.

Para naman sa benepistaryong si Roel Llesa, kinakailangang maging handa sa puyatan sa pagpila ang mga kukuha ng ayuda.

“Ok naman medyo nakakapuyat lang, tapos medyo kailangan ihanda mo rin ang sarili mo kasi marami kang pagdadaanan, ito nga lang pila eh,” ani Llesa.

Sa huli, natanggap din nina Llesa at Nagat ang pinakaaasam-asam na ayuda. Mas marami naman umanong nakatanggap ng SAP ngayon mula sa pamahalaan, dagdag pa ng dalawa.

LATEST

LATEST

TRENDING