Duterte, bibisita sa Jolo, Sulu matapos ang naganap na mga pagsabog

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na lilipad siya patungong Jolo,Sulu sa gabi ng Agosto 30 upang bisitahin ang lugar na pinangyarihan ng dalawang pagsabog noong nakaraang linggo.

Ayon kay Duterte, ang kanyang pagpunta sa Jolo ay bahagi ng kanyang “tungkulin bilang commander-in-chief” ng bansa.

“I’m going to Jolo. Diretso ako ngayon sa Jolo, doon sa blast site,” ani Duterte sa “Singing For the President” online concert— na inorganisa para sa kanya.

Dagdag pa ng pangulo, “Mabigyan ko lang ‘yung mga sundalo natin, sundalo ko, pulis ko, ng importansya sa kanilang kamatayan.”

Ang dalawang pagsabog na naganap noong Agosto 24 sa Jolo ay ikinasawi ng 15 katao, kabilang ang mga sundalo at sibilyan. Dose-dosena namang iba pa ang sugatan.

₱6-milyong pabuya naman ang naghihintay sa sinumang makatutulong sa pagtukoy sa mastermind at pangunahing suspek sa mga naganap na pagsabog.

Pansamantalang isinailalim ang Jolo sa lockdown simula 8 a.m. sa Agosto 30, ayon sa lokal na pamahalaan.

Unang ipinahayag ng Malacañang ng kinokonsidera ni Duterte ang pagpapatupad ng batas militar sa buong lalawigan ng Sulu, matapos ipinawagan ng ilang mga opisyal ang paghihigpit sa lugar.

Subalit, binawi naman ang rekomendasyong ito ng Philippine Army at iginiit na may mga mas mabuti pa aniyang opsyon para tugunan ang problema sa seguridad sa lugar.

LATEST

LATEST