Roque: Hindi totoong nagkukulang ang Covid response ng pamahalaan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte
Kuha ni: Robinson Niñal, Jr. (Presidential Photo)

Sumalungat ang Malacañang noong Agosto 27 sa sinabi ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo tungkol sa mga umano’y pagkukulang ng pamahalaan sa isinasagawang Covid-19 response, matapos maghain si Robredo ng mga mungkahi kung paano maisasalba ang ekonomiya.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, may Covid-19 response plan na sinusunod ang pamahalaan at idiniing posibleng mas maraming namatay kung walang sinusunod na estratehiya laban sa pandemiya ang gobyerno.

Aniya, “Hindi po totoo na hindi sapat ang ating response. Siguro, madali po magpula dahil hindi tayo nasa gitna ng pandemya at hindi tayo ang inaasahang gumalaw. So, napakadali talaga na ika’y magpula.”

“Ilang buwan na po tayo sa COVID-19, pinatutupad lang po natin ang plano ng Pangulo,” dagdag pa ni Roque.

Noong Agosto 24, nagmungkahi si Robredo ng iba’t-ibat mga hakbang na kinakailangan umanong ipatupad para maisalba ang ekonomiya ng bansa.

Binigyang diin din niya ang kahalagahan ng pagiging malinaw hinggil sa pandemic response ng pamahalaan.

“Paanong magkakaroon ng kumpiyansa kung ni hindi natin masiguro kung saan napupunta ang mga pondo? Paanong magkakakumpiyansa, kung sa tuwing magpe-presscon ang liderato, wala tayong linaw na mahinuha?” ani Robredo.

Dagdag pa ng pangalawang pangulo, “Malinaw na handang sumagwan ang lahat; ang kulang na lang, ‘yung magtututok sa atin sa dapat nating kapuntahan. ‘Yung magtitimon.”

Sinabi naman ni Roque na walang nakikitang mali si Duterte sa mga aktibidad ni Robredo kahit na sinabi nitong “ikasisira lang ng pamahalaan” ang mga naging suhestyon ng pangalawang pangulo.

“Pero ang Presidente, hindi naman pinupulaan si VP Leni. Kinilala niya ang mga tulong na ginawa ni VP Leni. Ang pakiusap lang po ni Presidente, magkaisa sa panahon ng pandemya. Isantabi muna ang pulitika,” giit ni Roque.

Bilang pagresponde kay Roque, hinikayat ng kampo ni Robredo ang administrasyong Duterte na pakinggan ang kanilang mga suhestyon.

“Umayos naman kayo, please. Ang daming umaasa sa inyo. Ang dami ring handang tumulong,” pahayag ni Barry Gutierrez, spokesperson ni Robredo.

Ayon kay Gutierrez, mahihirapan lamang ang pamahalaan kung hindi nito tatanggapin at kikilalalanin na may mga problema, kabilang ang mahigit 200,000 Covid-19 cases sa bansa, ang negatibong 16.5 percent GDP sa ikalawang quarter, at ang 7.45 milyong nawalan ng trabaho, atbp.

“Ito ba ang itsura ng ‘sapat na response’?” tanong ni Gutierrez, habang idiniing hindi namumulitika si Robredo nang ipresenta nito ang kanyang mga rekomendasyon.

Dagdag pa niya, “Ang hirap talagang tulungan ang ayaw man lang tanggapin na may problema.”

“Makinig din sana kahit minsan. Hindi na ito tungkol sa politika. Hindi na ito nakakatawa. Pakiusap lang,” ani Gutierrez.

LATEST

LATEST

TRENDING