Duterte, nagbantang ipakukulong ang mga sangkot sa mga katiwalian sa PhilHealth

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na mananagot ang mga empleyado ng pamahalaan na sangkot sa mga anomalya ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at hindi wastong paggastos sa pondong inilaan para tugunan ang Covid-19 pandemic.

Sa kanyang inereng talumpati noong Agosto 25, binanggit ng pangulo na ipakukulong niya ang mga taong mapapatunayang sangkot sa katiwalian.

Aniya, “Pero itong nagnakaw ng pera ng bayan lalo na ‘yung sa Covid-19, they will go to prison. I am sure.

“‘Pag wala akong makita na magpakulong, magdampot ako ng 3 sa kanila, kulungin ko. Pilitin ko kulungin para may makulong lang talaga,” dagdag pa ng pangulo.

Ipinangako rin ni Duterte na hindi makalulusot ang mga sangkot sa katiwalian sa PhilHealth habang hindi pa tapos ang kanyang termino.

Naging sentro ng pambabatikos ang PhilHealth dahil sa isyung overpricing sa IT equipment nito at ang kwestyunableng paglalabas nito ng pondo mula sa interim reimbursement mechanism.

Dahil dito, ipinag-utos ng pangulo sa mga ahensya ng gobyerno na ilathala sa mga pahayagan kung paano ginamit at ginastos ang pondo ng taumbayan, pati na rin ang mga lumalahok sa bidding.

“Ipa-publish ko ito ang mga bibilhin at pagkatapos ipa-publish ko pagkatapos sa notice sino ‘yong bidders, ‘yong pangalan nila,” pagbibigay diin ni Duterte.

Siniguro ng pangulo na gagastusin lamang sa tamang paraan ang pondong inilaan ng pamahalaan para sa Covid-19 response.

LATEST

LATEST